Nobyembre 25, 2019, Daet, Camarines Norte – May kabuuang 293 traffic violators sa lalawigan ng Camarines Norte ang naisyuhan ng Temporary Operators Permit (TOP) at Traffic Citation Ticket (TCT) sa isinagawang Nationwide One Time Big Time Joint Operation ng Land Transportation Office (LTO) kontra pasaway na motorista nitong nakatalikod na araw ng Biyernes, Nobyembre 22, 2019.

Sa ipinalabas na tala ng LTO, nabatid na 141 na sasakyan ang naisyuhan ng TOP habang 152 naman ang naisyuhan ng TCT sa buong lalawigan.

Sa datus na nasambit, 21 na motorsiklo at isang tricycle ang naimpound dahil sa mga kaukulang paglabag.

Ang nalalabing bilang naman ay kinapapalooban ng iba pang mga sasakyan tulad ng mga pampasaherong jeepney, bus, maging mga pribadong sasakyan tulad ng mga kotse at SUV.

Karaniwang paglabag na naitala ay ang overloading, colorum, no helmet, illegal parking, tricycle on highways, at overspeeding .

Magugunita na bagaman simultaneous na isinagawa sa buong bansa ang nasambit na joint operation ng LTO at mga concerned agencies, random na naglagay ng checkpoint sa ibat ibang bahagi ng bawat bayan sa lalawigan ang operatiba upang mahuli ang mga pasaway na motoristang patuloy na lumalabag sa kabila ng maigting na paalala ng mga ahensiya para sa kanilang kaligtasan.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ricky Pera