Nobyembre 27, 2019, Daet, Camarines Norte – Pinaplantsa na ng Lokal na Pamahalaan ng Daet ang isasagawang Annual Christmas Bazaar ngayong taon.

Sa ginanap na ika – 44th Regular na Sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet nitong nakatalikod na araw ng Lunes, tinalakay sa konseho ang resolusyon na nagtatakda sa Daet Elevated Town Plaza bilang lugar kung saan itatayo ang nasambit na Bazaar.

Nakasaad sa resolusyon ang pansamantalang pag gamit nasambit na lugar susog sa Municipal Ordinance No. 119 series of 2006 na nagsasabing maaaring pansamantalang isara o buksan ang mga kalsada, parke, plaza  at iba pang lugar sa bayan para sa pagdaraos ng ilang selebrasyon at aktibidad kasama na ang trade fair subalit hindi ito lalagpas sa tatlumpung (30) araw.

Nabatid na ang pagpasok ng buwan ng Disyembre ay marka ng pagsisimula ng Holiday Season kung saan nagkakaroon ng pagtaas ng demand sa mga produktong pamasko at panregalo.

Kaya naman layunin ng pagsasagawa ng Bazaar na makapaglaan ng lugar kung saan mabibigyan ng pagkakataon na magtinda sa issang venue ang mga lokal at maliliit na negosyante ng kanilang mga produkto sa tamang presyo para naman sa mga mamimili na naghahanap ng mura at kalidad na panregalo.

Kinikilala din umano ng SB ang kahalagahan ng pagdaraos ng holiday season partikular na ang kapaskuhan na naglalapit sa mga magkakamag anak at magkakaibigan.

Samantala, aabot lamang sa 25 stalls ang papayagang makapagtinda sa nasambit na bazaar.

 

Camarines Norte News