Disyembre 29, 2019, Daet, Camarines Norte – Nadakip sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng Daet Municipal Police Station ang limang (5) katao kasama ang alkade ng bayan ng Paracale na si Mayor Romeo Moreno.

Base sa tala ng kapulisan, dakong 10:10 kagabi ng isagawa nila ang operasyon sa isang apartment sa Taft Ilaod, Barangay I, Daet, Camarines Norte kung saan huli sa akto ang mga suspek na nagsasagawa ng ipinagbabawal na sugal na mahjong.

Kasamang nadakip ni Mayor Moreno ang mga kalaro nito na sina Jovita Rafael, 66 anyos, residente ng Brgy. Palanas, bayan ng Paracale, Nonelyn Diana Obog, 49 anyos, residente ng parehong barangay, Salvador Ramos Cabarle, 45 anyos, residente ng Purok 3, Brgy. Camambugan, bayan ng Daet at Alea Abesilia De Jesus, 45 anyos, residente ng Taft Ilaod, Brgy. I, bayan ng Daet

Narekober mula sa mga suspek ang ilang ebidensiya tulad ng mahjong tiles at mahjong table kasama ang bet money na umaabot sa halagang Php 17, 160.00.

Nabatid na sinubukan pang itago ng nadakip na Mayor ang kaniyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagpapakilala bilang “Rolando Abraham Villanueva” na residente ng Purok 1, Brgy. Batobalani, bayan ng Paracale subalit nakilala pa rin ito ng otoridad.

Ang operasyon ay isinagawa matapos umano ang mga reklamong ipinaabot sa kanilang himpilan ng ilang concerned citizens ukol sa ingay na idinudulot ng mga nagsusugal sa nasambit na apartment lalo na tuwing gabi.

Nasa kustodiya na ng Daet MPS ang mga nadakip para sa kaukulang disposisyon habang nasa ilalim naman ng hospital arrest si Mayor Moreno dahil sa kalagayang pangkalusugan nito na ayon sa doctor ay nakararanas ng high blood pressure.

 

Camarines Norte News

Photo courtesy of Daet MPS