Marso 23, 2020, Daet, Camarines Norte – Dahil sa lumalalang kaso ng COVID-19, kamakailan ay hiniling ng Malacañang sa Kongreso na magpasa ng isang batas na magdedeklara ng National Emergency at magbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Duterte upang masolusyunan ang kasalukuyang krisis sa bansa.

Ilan sa mga mainit na usapin ay ang “kaukulang kapangniyarihan” na ipagkakaloob sa Pangulo ng Kongreso. Ayon kay Sotto na siyang author ng nasabing batas, hindi ito katulad ng “emergency powers” na pinangangambahan ng marami na magbibigay ng “absolute power” sa Pangulo, kundi mga kapangniyarihang kinakailangan lamang upang masolusyunan ang krisis na dulot ng COVID-19 sa bansa.

Narito ang ilan sa mga mahahalagang kapangniyarihan ng Pangulo na nakapaloob sa ilalim ng “We heal as One Act” na ipinanukala nina Senador Sotto at Cayetano:

  1. Magpatupad ng mga hakbang upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
  2. Mabilis at agarang pagsusuri/ obserbasyon sa mga PUI at PUM
  3. Siguruhing sumusunod ang bawat LGU sa mga alintuntuning pinatutupad ng National Government
  4. Magpatupad ng mga hakbang upang pigilan ang “hoarding”, pag-abuso sa presyo ng mga bilihin, at ilan pang mga gawaing makakaapekto sa suplay ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan.
  5. Pabilisin ang pagbili at paglalabas ng pondo para sa mga personal protective equipment, testing kits, medical supplies, at iba pang mga kagamitan at serbisyong kailangan ng gobyerno sa pagsugpo ng COVID-19
  6. Kung lubhang kinakailangan, pansamantalang direktahan ang operasyon ng mga sumusunod:

– operasyon ng mga pribadong ospital at medical facilities

–  ilang pribadong establisyimento upang gawing tuluyan ng mga health workers, quarantine centers,                         medical relief/aid distribution centers at temporary medical facilities

– pampublikong transportasyon upang ihatid ang mga frontliners at gamitin sa ibang emergency                                situations

(ang mga nabanggit ay mananatili pa rin sa mga may-ari ng mga pribadong institusyon at ang mga ito ay bibigyan ng kaukulang “compensation” sa anumang danyos na maitatala sa paggamit ng mga nasabing pasilidad)

  1. Pababain ang interes ng mga pautangan
  2. Obligahin ang mga pribadong negosyo na unahin at tanggapin ang mga kontrata ng gobyernong may kinalaman sa pagsolusyon sa krisis.
  3. Limitahan ang operasyon ng lahat ng uri ng transportasyon sa bansa, pampubliko man o pribado
  4. Kontrolin ang daloy ng trapiko sa lahat ng kalsada at tulay sa buong bansa
  5. Magpatupad ng alternative working arrangements sa mga empleyado ng Executive branch, at kung kinakailangan ay maging sa iba pang sangay ng gobyerno at pribadong sektor
  6. Kontrolin at tipirin ang distribusyon ng langis, kuryente, tubig, at iba pang kahalintulad nito.
  7. Kanselahin ang ibang aprubadong programa/proyekto ng gobyerno upang ilaan ang pondo nito sa mga kinakailangang programa upang masugpo ang COVID-19
  8. Gamitin ang mga hindi pa nagagamit na pondo para sa State of Emergency
  9. Baguhin at ireprogram ang aprubadong budget ng gobyerno sa ilalim ng General Appropriations Act of 2020 batay sa rekomendasyon ng Pangulo upang mas magamit sa mga karagdagang proyektong ipatutupad kaugnay nga ng COVID-19 crisis.
  10. Ilipat ang deadline ng pagbabayad ng buwis

Samantala, maliban sa ilang pag-amendya ay inaasahang mailulusot ang “We Heal as One Act” sa Kongreso upang maging isang ganap na batas. Oras na maaprubahan, mananatiling itong epektibo hanggang sa pagtatapos ng COVID-19 crisis.

Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News