Marso 24, 2020, Daet, Camarines Norte. Nagpaalala ang tanggapan ng DepEd sa lalawigan ng Camarines Norte sa mga patakarang dapat sundin ng mga LGUs hingil sa paggamit ng mga pampublikong paaralan bilang mga quarantine areas kaugnay na rin sa pagtugon ng gobyerno sa banta na dulot ng COVID-19.

Ayon sa ipinadalang mensahe ni DepEd Camarines Norte Schools Division Superintendent Dr. Nympha D. Guemo sa mga School Heads sa lalawigan, at batay na rin sa Memorandum Circular ng DILG, hindi umano dapat gamitin ng mga LGUs ang mga pampublikong paaralan bilang mga quarantine areas maliban na lamang kung may pahintulot mula sa DepEd.

Ayon pa sa mensahe ni Guemo, kung sakali man na gagamitin bilang mga isolation centers ang mga nasabing paaralan ay kinakailangan umanong sumunod ng LGUs sa mga guidelines na ipatutupad ng DepEd. Bago iconvert ang mga paaralan bilang quarantine areas ay kinakailangan muna umanong masiguro ng mga LGUs na wala nang iba pang available na pasilidad sa kanilang lugar at tanging “last resort” na ang paggamit sa mga paaralan.

Kinakailangan rin muna umanong suriin ng Department of Health (DOH) ang mga paaralang planong iconvert bilang isolation areas upang masiguro na ito ay pasok sa mga standards na kailangan ng isang medical facility. Oras na gamitin ang mga paaralan bilang isolation facility ay tungkulin ng DOH at mga LGU ang pagmanage, pagsasaayos,pag-disinfect, at pagpapanumbalik ng mga school facilities.

Samantala, nauna nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kinakailangan ng “masusing koordinasyon” sa mga DepEd officials ng rehiyon at mga probinsya bago gamitin bilang mga isolation facilities ang mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ito ay sa kadahilanang limitado lamang ang kapasidad ng mga paaralan upang gawing quarantine centers at dahil na rin sa concerns ng mga residenteng nakatira malapit sa mga ito.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News