Nagpaabot ng panawagan ang Provincial Health Office sa mga CamNorte├▒os kaugnay sa kinakaharap na banta na dala ng COVID-19 sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa isang Facebook post mula sa page ng Provincial Health Office (PHO), nagpahatid ng panawagan si Provincial Health Officer Dr. Rachelle Diezmo kaugnay ng mga dapat gawin upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at hindi mapunta sa alanganing sitwasyon ang lalawigan.

Ayon kay Dra. Diezmo, kakaunti ang mga doktor at mahihirapang gamutin ang mga malubhang tatamaan ng COVID-19 sa pagamutan ng lalawigan. Aniya, bagamat ginagawa ng pamahalaan ang lahat ay tila hindi umano kakayanin kung sakaling kumalat ang naturang virus sa lalawigan.

Dagdag pa ni Dra. Diezmo na ang pinakamabisang paraan pa rin umano ay ang pananatili sa mga kabahayan upang maiwasan na makakuha ng naturang sakit at makahawa pa sa iba, gayundin ang pagiging malinis sa kapaligiran.

Babala pa ni Dra. Diezmo na kung sakaling dadami ang pasyente dahil sa naturang virus ay hindi na maaaring tumanggap ang Bicol Medical Center (BMC) at Bicol Sanitarium sa kadahilanang puno na ang mga ospital na ito sa Naga City kayat walang ibang aasahan kundi ang mga ospital lamang sa lalawigan.

Sa kanyang pagmamasid aniya ay marami pa rin siyang nakitang mga nasa labas at pakalat-kalat na hindi kayang isa-isahin ng mga otoridad.

Sa huli ay nakiusap ang opisyal na lubos na kooperasyon ang kailangan at pakikipagtulungan upang manatiling nasa mabuting kondisyon ang lahat sa kabila ng krisis na kinahaharap ng marami.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News