Mobile Palengke in Barangay Cobangbang

 

Mobile Palengke in Barangay Mambalite

 

Mobile Palengke in Barangay San Isidro

Daet, Camarines Norte, April 3, 2020 – Nagsimula na ang pagbibigay ng serbisyo ng Mobile Palengke na programa ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Benito S. Ochoa na iikot sa mga barangay sa Bayan ng Daet.

Umaga nitong Biyernes, Abril 3, 2020 nang unang bisitahin ng Mobile Palengke ang mga barangay ng Cobangbang, Mambalite, at San Isidro na tinangkilik ng mga residente.

Ayon kay Joseph Cuarte, Municipal Agriculture Technologist at project chairperson ng naturang programa, layunin ng Mobile Palengke ang maihatid sa mga barangay ang mga produkto na nasa pamilihang bayan ng Daet ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at upang makatulong na rin sa mga mamamayan ng Daet na hindi na magtungo sa pamilihang bayan.

Laman ng mobile palengke ang halos lahat ng produktong makikita rin sa pamilihang bayan tulad ng mga gulay, bigas, karne ng baboy, choice cuts chicken, processed meat products, at condiments.

Pagdating naman sa usapin ng presyo ng mga produkto ay sinabi ng opisyal na ang kanilang itinitinda ay mas mura kumpara sa presyo ng produkto sa palengke. Ito ay sa kadahilanang direkta umanong binibili ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang mga produkto na nanggagaling mismo sa mga magsasaka sa mga barangay na hindi na magawa pang maibyahe at ibenta ang kanilang produkto, gayundin mula sa mga poultry owners.

Dagdag pa ni Cuarte na tila multi-purpose ang programang ito ng lokal na pamahalaan dahil bukod sa hindi na mahirapan pang magtungo ang mga residente sa pamilihang bayan ay nakakatulong din umano ito sa mga lokal na magsasaka na patuloy pa ring kumikita sa gitna ng ECQ.

Sinabi rin ng opisyal na magpapatuloy na ang programang ito kahit matapos na ang ipinatutupad na ECQ upang makatulong sa pangangailangan ng mga mamamayan ng bayan ng Daet.

Nanawagan din ang MAO sa mga nagnanais na maging bahagi ng mobile palengke at magbenta rin ng kanilang produkto ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Kinakailangan din umanong may sasakyan o vehicle service na magagamit sa pagtitinda. Sa kasalukuyan ay katuwang ng Mobile Palengke ang Ianito General Merchandise, at FARRMS Mini Mart.

Samantala, sa kabila ng programang ito ay hindi nakakalimutan na patuloy na ipatupad ang social distancing sa pakikipagtulungan pa rin ng mga barangay officials at tanod ng mga barangay na kanilang binibisita.

Sa mga susunod na araw ay tutunguhin muna umano ng kanilang grupo ang mga barangay na malalayo sa kasentrohan ng Daet. Nakisuyo rin ang MAO sa mga bibili sa mobile palengke na kung may eco-bag ay maaari itong dalhin upang paglagyan ng kanilang mga mabibiling produkto at maiwasan na rin ang pag-gamit ng plastic.

Sa araw ng bukas, Abril 4, 2020 ay magtutungo ang Mobile Palengke sa barangay ng Calasgasan sa umaga at Barangay Magang sa hapon.

Maaari rin umanong makipag-ugnayan sa mga barangay upang malaman ang magiging schedule ng pagbisita ng Mobile Palengke sa kanilang lugar.

Sinabi naman ni Konsehala Eliza H. Llovit, chairperson ng Committee on Trade and Industry na isa ang serbisyong ito sa kanyang mga tututukan upang masigurong maayos na naisasagawa ang proyektong pakikinabangan ng mga Daeteño at magtutuloy-tuloy upang makatulong din sa mga magsasaka.

Sa huli ay ikinatuwa naman ng mga residente ang naturang proyekto ng pamahalaang lokal dahil bukod sa hindi na sila mahihirapang magpunta sa palengke ay mas makakatipid sila ng kanilang mga bibilhin para sa kanilang pangangailangan, partikular na sa pagkain.

Edwin Datan, Jr.
Camarines Norte News