Daet, Camarines Norte, Mayo 11, 2020 – Bukod sa banta ng COVID-19 ay binabantayan din ngayon ng mga kinauukulan ang isang bagyong maaaring pumasok s Bicol Region sa mga susunod na araw.

Batay sa huling weather bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang ala-una ng hapon, ang Tropical Depression na pinangalanang “Ambo” ay kumikilos pa-Silangan at may bilis na 55 km/h malapit sa gitna at may pagbugso na na aabot sa 70 km/h.

Sa kasalukuyan ay nasa 340 km sa Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur si Ambo at lumalakas habang patuloy na kumikilos.

Ayon naman sa track ng Bagyong Ambo, kung hindi magbabago ay may posibilidad na tumbukin nito ang Bicol Region sa darating na Huwebes at Biyernes (Mayo 14-15, 2020).

Samantala, masusi namang minamatyagan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng lalawigan ng Camarines Norte ang naturang bagyo bilang bahagi ng paghahanda. (Edwin Datan, Jr, Camarines Norte News)