Nakapagtala na ng kauna-unahang kaso ng COVID19 ang lalawigan ng Camarines Norte matapos magpositibo ang isang magsasaka ng niyog o magkokopra sa isang malayong barangay ng bayan ng Labo, Camarines norte.

 

Sa naging panayam sa isang lokal na radyo dito, pinatunayan mismo ng Camarines Norte Provincial Hospital na pinaglagakan sa pamamagitan ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na  nagpostibo nga ito.

 

Pinuntahan ng Incident Management Team sa pangunguna ni Gobernador Edgardo Tallado ang baranggay at iniulat mismo ng kapitan dito ang nangyari.

 

Wala umanong travel history at sa gitna ng pagpapatupad ng liquor ban ay nakipag inuman umano ito sa mga kaibigan ng gabi at ng mag umaga ay tumungo sa kanyang niyugan para kunin ang alagang kalabaw subalit bigla na lamang itong nabuwal.

 

Mabilis na isinugod ito sa ospital ng mga taga barangay Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO at agad namang inasikaso ito ng mga Health Workers sa pag aakalang na heat stroke lamang ito.

 

Subalit ng kanila itong dinala sa ospital at matapos na ang apat na araw bago nasuri ay nagpositibo ito sa covid.

 

Agad na isinailalim sa quarantine ang mga taong umasikaso dito, maging ang mga nakainuman nito ay pinaghahanap na.

 

Nagpasyang isailalim na sa Lockdown ang barangay na pinag mulan maging ang mga kalapit na baranggay ng pamahalaang lokal ng Labo sa pangunguna ni Mayor Joseph Ascutia.

 

Wala ng pinalalabas na mga residente sa dalawang baranggay at mahigpit ang mga bgy checkpoints sa pagsita sa mga mamamayan.

 

Ang mag asawang kamag anakan nito na dumalaw sa ospital na taga bayan ng Jose Panganiban ay agad na isinailalim sa quarantine at ini-isolate ang apat na anak nito.

 

Nagbabala naman si Ascutia sa mga mamamayan ng bayan ng Labo na palaging mag iingat sa nakakasalamuha at ituring aniya na ang nakakasalubong o nakakausap ay posibleng covid virus carrier.

 

Mula dito sa lalawigan ng Camarines Norte

 

ORLANDO ENCINARES

Camarines Norte News,