Basud, Camarines Norte, Mayo 12, 2020 – Hindi na nakagawang makadalo pa ng sesyon at bumalik na lamang sa lalawigan ng Albay ang isang board member sa Camarines Norte matapos itong hindi payagang patuluying makapasok sa Camarines Norte.

Umaga nitong Lunes (Mayo 11, 2020) nang magkaroon ng negosasyon sa pagitan nina First District Board Member Walter Randolph Jalgalado at mga nagbabantay sa checkpoint sa Tuaca, Basud na umabot ng halos tatlong oras. Nais kasi umanong makapasok sa lalawigan ng Camarines Norte ng naturang board member sa lalawigan upang dumalo sa sesyon subalit nagmatigas itong sumailalim sa 14-day quarantine.

Ang pagsasailalim sa quarantine ay nakabatay sa guidelines ng Incident Management Team ng Camarines Norte (IMT) na kung saan ang lahat ng nagnanais makapasok sa lalawigan ay kinakailangang dumaan sa prosesong ito, partikular na kung ang isang personahe ay nagmula sa lugar na may kaso ng COVID-19.

Dahil dito ay nagkaroon ng komprontasyon sa dalawang panig kung saan sa isang tagpo ay dumating din sila Board Members Godfrey Parale at Mike Canlas, kasama ang isang abogado.

Iginiit ni Jalgalado na karapatang niyang pumasok dahil bukod sa pagiging doktor na tinuturing na fronliner sa lalawigan ng Albay ay isa rin itong lingkod bayan.

Nang matapos ang usapan ay napagpasyahan na lamang ni Jalgalado na bumalik ng Albay sa halip na sumailalim sa 14-day quarantine.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Don Culvera, Unified Incident Commander on COVID-19 na walang anumang kautusang nagbabawal sa opisyal na tumuloy sa lalawigan basta ito ay sumailalim sa 14-day quarantine bilang pagtalima sa protocol at siya ring ginagawa sa lahat ng mga taga Camarines Norte na pumapasok sa lalawigan.

Dagdag pa ni Culvera na patuloy pa rin umano nilang isinasagawa ang lahat ng pag-iingat lalo na ngayong mayroon ng isang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa huling tala ng Department of Health – Region V ay nananatili pa ring may pinakamataas na kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Albay sa buong rehiyon. (Edwin Datan, Jr., Camarines Norte News)

(Photo Courtesy: Provincial Information Office – Camarines Norte)