Labo, Camarines Norte, Mayo, 2020 – Nag-negatibo na sa COVID-19 bago pumanaw kaninang madaling-araw si Bicol #61 na siyang naging kauna-unahang kaso ng naturang virus sa lalawigan ng Camarines Norte.

 

Sa naging panayam ng Cool Radio kay Governor Edgardo Tallado, inihayag nitong negatibo na ang resulta mula sa pangalawang swabbing test ang pasyente batay na rin sa inilabas na impormasyon ng Department of Health – Region V (DOH)

 

Kung maaalala, matapos malaman na may nagpositibo na sa ating lalawigan agad umaksyon ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng contact tracing at pagpapatupad ng lockdown sa mga barangay ng Pag-asa at Tulay na Lupa sa bayan ng Labo kung saan residente ang pasyente.

 

Ayon pa sa gobernador, sa kanilang isinagawang pag-iimbestiga katuwang ang Provincial Health Office (PHO) ay isang magsasaka at hindi lumabas ng lalawigan ang naturang pasyente kaya’t mas minabuti umano nilang magsagawa ng isa pang testing.

 

Sa naging resulta naman ng pangalawang testing na inilabas kagabi (Mayo 14, 2020) ng DOH ay negatibo na ito sa COVID-19.

 

Binigyang-linaw din ng kagawaran na ang ginagamit nilang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction bilang testing method ay ang pinaka-accurate at nagsisilbing golden testing method sa COVID-19 kung kaya’t hindi maaaring magkaroon ng false positive o false negative sa resulta nito.

 

Samantala, matapos namang lumabas ng pangalawang resulta kagabi ay pumanaw na rin ang pasyente bandang ala-una ng umaga nitong Mayo 15, 2020 dahil sa Renal Kidney Failure at iba pang kumplikasyon.

 

Agad naman daw itong ipapalibing ng pamahalaang panlalawigan sa loob ng 12 oras batay na rin sa alituntunin ng DOH.

 

Patuloy naman ang isinasagawang contact tracing at quarantine sa mga nakasalamuha ni Bicol #61.

 

Camarines Norte News,