Mayo 15, 2020, Daet, Camarines Norte. Alinsunod sa deklarasyon ng IATF na muling isailalim sa General Community Quarantine ang mga low risk areas kabilang na ang lalawigan ng Camarines Norte, nagpalabas ng mga karagdagang kautusan ang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan bilang pag amyenda nito sa mga naunang polisiyang ipinatutupad sa probinsya.

Narito ang mga bago at karagdagang kautusan sa ilalim ng ipinalabas na Executive Order 2020 – 32 A sa lalawigan:

  1. Ang curfew hour ay ipatutupad simula alas 9 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga.
  2. Pagdating naman sa pagbubukas ng mga malls at ilang commercial centers:

 Sa loob ng establisyemento ay kinakailangang i-maintain ang distansyang 2 sq. meters sa bawat isa.

                   Obligado ang lahat na magsuot ng face masks

                   Temperature Check bago pumasok sa loob

                   26 degrees Celsius na building temperature sa mga malls

                   Walang free Wifi sa loob ng mga malls upang maiwasan ang tambay at pagkukumpulan

                   Footbath at iba pang paraan ng disinfection sa mga main entrance ng establisyimento

  1. Papayagan na ang paglabas ng mga mamamayan kabilang na ang mga Senior Citizens basta meron ang mga itong Home Quarantine Pass, Work Pass/Certification at iba pang mga dokumento na kinikilala sa mga checkpoints kahit noon pang panahon ng ECQ. Samantala, kinumpirma ni IMT Commander Atty. Don Culvera na hindi pa rin papahintulutang lumabas ang mga indibidwal na 20 taong gulang pababa.
  2. Para sa mga importanteng gawain lamang dapat gamitin ang paglabas ng mga tao. Ito ay kinakailangang para lamang sa pag-access ng mga pangunahing pangangailangang personal at medikal.
  3. Ipinagbabawal pa rin ang mga malakihang pagtitipon tulad ng fiesta, paglakwatsa, piknik, at mga pagtitipong panrelihyon.
  4. Papahintulutan na ang pagbebenta at pagbili ng mga alak ngunit ito ay hanggang alas 8 ng gabi lamang. Ang pag-inom ay kinakailangang isagawa lamang sa loob ng tahanan at hindi sa pampublikong lugar. Mananatili pa ring sarado ang mga bahay inuman/bars sa buong lalawigan. Samantala, mahigpit na ipagbabawal ang pagbebenta ng alak sa mga menor de edad.
  5. Papayagan na ang pag-eehersisyo sa labas ng bahay ngunit kinakailangan pa ring ipatupad ang social distancing.

Samantala, lahat ng mga dating panuntunan sa ipinatutupad na GCQ sa buong lalawigan ng Camarines Norte ay MANANATILI maliban na lamang sa mga binagong panuntunang nabanggit sa bagong executive order.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News