Mayo 16, 2020, Daet, Camarines Norte. Pansamantala munang ititigil ang pagpoproseso ng mga COVID-19 test sa Bicol Diagnostic and Reference Laboratory, iyan ay matapos mapinsala ni bagyong Ambo ang COVID-19 testing machine ng nasabing laboratoryo na siyang nag-iisang testing laboratory ng COVID sa rehiyon.

Ayon sa ipinalabas na press release ng DOH Bicol, napinsala ang exhaust duct ng biosafety cabinet na kung saan dito ipinoproseso ang mga swab samples mula sa mga natest na indibidwal. Hangga’t hindi umano nakukumpuni ang exhaust duct ay hindi mapoproseso ang mga swab samples.

Samantala, ipinadala muna sa Research Institute for Tropical Medicine sa Metro Manila ang aabot sa 146 samples na hindi pa napoproseso sa buong Bicol Region. Ang mga resulta ng mga samples na ito ay ilalabas rin sa publiko matapos ang mga itong masuri.

Nagpapatuloy ang pagkukumpuni sa nasirang Testing Machine upang sa lalong madaling panahon ay maibalik sa normal ang operasyon ng COVID-19 laboratory sa rehiyon.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News