Labo, Camarines Norte, Mayo 20, 2020 – Asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng Covid si Bicol #68 na mula sa bayan ng Labo nang magpositibo ito mula sa resulta ng testing na inilabas Department of Health – Regio V.

Ayon kay Gov. Egay Tallado, asawa ng pasyente na nakasama sa ward ni Bicol #61 ang pangalawang kaso ng covid sa ating lalawigan. Ang asawa ni #68 ay una ng ibinalita ni Gov. Tallado na negatibo sa isinagawang swab test.

Ayon pa sa gobernador, madali ang contact tracing kay #68 dahil ilang lugar lamang ang pinuntahan nito simula ng maconfine ang kanyang asawa sa Camarines Norte Provincial Hospital noong ikawalo ng kasalukuyang buwan. Wala rin aniya itong travel history sa labas ng ating lalawigan.

Si #68 ay nananatili ngayon sa Labo District Hospital simula pa noong ika-12 ng Mayo ng mailipat dito ang kanyang asawa mula sa CNPH.

Kaugnay nito, kaagad na inatasan ng Gobernador ang Punong Barangay ng Domogmang s bayan ng Labo kung saan naninirahan si #68 na huwag palalabasin ng barangay ang mga naninirahan doon.

Ganito rin aniya ang kanyang tagubilin sa Punong Barangay ng Exciban na katabing barangay ng Domagmang.

Samantala, ibinalita rin ni Gov. Tallado na nag negatibo sa swab test ang apat na doktor na may close contact kay #61. Samantalang ang iba pang kawani ng CNPH na kasabay ng apat na doktor ay kinailangan aniyang muling iswab dahil nag “expire” na aniya ang unang swab na isinagawa sa kanila dahil hindi agad nasuri matapos mapinsala ng nagdaang bagyo ang bahaging pinaglalagyan ng mga samples sa Lunsod ng Naga.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang gobernador sa publiko sundin ang mga health at safety protocols katulad ng pananatili lamang sa loob ng bahay at kung talagang kinakailangang lumabas ay magsuot ng face mask at sundin ang physical distancing upang maiwasan ang paglaganap ng virus.