Mayo 23, 2020, Daet, Camarines Norte. Isang pasahero na lamang ang maaaring isakay ng mga pampubliko at pribadong traysikel sa lalawigan ng Camarines Norte, yan ay kasunod ng pagpupulong ng Incident Management Team ng Camarines Norte kasama ang kinatawan mula sa Land Transportation Office – Camarines Norte nitong nagdaang Mayo 21, 2020.

Ito ay bilang pagtalima na rin sa nauna ng utos ng National Government na tanging isang pasahero lamang ang papayagang isakay sa mga traysikel. Napag-alaman na tanging ang lalawigan lamang ng Camarines Norte ang pumayag na may isakay na angkas sa mga traysikel kung kaya’t simula sa lunes ay mahigpit nang ipapatupad ang one passenger policy sa mga traysikel sa buong probinsya.

Samantala sa bayan naman ng Daet ay mananatili ang sampung pisong minimum fare sa mga pampublikong traysikel. Ito ay sa kadahilanang kinakailangan pang dumaan sa mga kaukulang proseso at public hearing ang panukalang dagdag singil sa pasahe ng mga traysikel sa bayan.

Nakatakda pang pulungin ang mga drayber at mga pasahero sa nagpapatuloy na deliberasyon ng panukalang dagdag singil sa pamasahe ng mga pampublikong traysikel. Hangga’t wala pang opisyal na resolusyon/ordinansa ay mananatili pa rin ang dating singil sa pamasahe sa bayan ng Daet.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News