ANG BAGONG BATAS NG CLASSROOM

By Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News 

May 27, 2020 

 

“Sa classroom may batas, bawal pumasok kapag hindi safe sa bata, pero kapag may alternative naman at may sapat na plano at pagtutulungan sa mga concerned agencies, ay pwede na pala ikaw magklase.”

Marahil ay marami ang magtataas ng kilay pero ang statement na “NO VACCINE, NO CLASSES” at pagiging sarado sa alternatibo at suhestyon sa mga makabagong pamamaraan ng pag-aaral ay hindi maituturing na solusyon sa panahong ito.

Una, kailangan nating maging handa sa posibilidad na baka wala talagang bakuna sa COVID-19, ito ay ayon na rin sa isang opisyal ng World Health Organization. Hindi ito pananakot kundi isang posibilidad na kailangang tanggapin at paghandaan. Sa katunayan, maraming sakit at virus ang wala pa ring bakuna sa ngayon tulad ng HIV, Malaria, Zika virus, Middle East Respiratory Syndrome, West Nile, atbp. May mga virus na hindi na mawawala sa mundong ito at wala tayong choice kundi mag-adapt. Kung sakaling may bakuna man, ilang taon ang standard na proseso ng pag apruba nito at matatagalan pa bago ito maipaambon sa publiko.

Pangalawa, sigurado ba tayo na ito na ang huling pandemya na mararanasan natin? Kapag hindi tayo naghanda ng mga alternatibo sa edukasyon sa ngayon, baka maharap nanaman tayo sa parehong sitwasyon sa mga susunod na panahon. Muli, hindi ito pananakot, kundi isang paghahanda sa mga posibilidad. Tandaan natin, walang nag expect sa atin noong 2019 na gugulantangin pala tayo ng pandemya sa taong 2020. The best thing to do now is to prepare and develop an alternative.

Pangatlo, sa ilalim ng tinatawag na new normal, ang pagbabalik klase ay hindi nangangahulugang pisikal na pagpunta sa silid aralan. Bagama’t kailangan pa rin ng physical interaction sa blended learning, provided that it will observe minimum health standards. Binibigyan rin tayo ng maraming options tulad ng lessons through TV, Radio, modular approach na kung saan pwedeng ideliver direkta sa mga bata ang learning materials. Ang online ay isa lamang sa pamamaraan ngunit hindi lang ito ang tanging pamamaraan.

Epektibo ba ito? Paano ang kalidad? Opo, epektibo po ito given na handa ang mga guro at institusyon kaya mahalaga ang mindset at buong pusong pagtanggap sa new normal na ito sa edukasyon. Kapag sa una palang ay ang mga guro ay sarado na ang isip sa makabagong pamamaraan na ito, wag na tayong mag expect ng kalidad, mindset is very important especially sa mga guro. Sa katunayan, isa ako sa mga guro na nag-iisip na kaagad kung paano makakasabay sa pagtuturo under the new normal. Nag-iisip ako ng win-win solution para sa akin at para na rin sa aking mga magiging estudyante in case na matuloy na nga ang pasukan sa Agosto.

Matagal na ring ipinapatupad ang distance education sa ilang educational institutions sa bansa. Marami na ang nagtapos ng bachelors, masters at doctorate degree sa pamamagitan ng Open University system na kung saan hindi traditional ang pamamaraan ng pag-aaral. Sa katunayan, isa ako ngayon sa mga estudyante sa masters degree program ng PUP Open University at isa ako sa makakapagpatunay na may kalidad ang edukasyon kahit na hindi nanggaling sa tradisyunal na pamamaraan. Kailangan lang ng disiplina at proper mindset sa pag-aaral para makapagtapos.

Pang-apat, ang pinakafinal na tanong ay HANDA BA TAYO? Sa kasamaang palad, HINDI LAHAT. Yan ang mapait na katotohanan sa ngayon. Pero may magagawa ang gobyerno, mga magulang, guro at iba pang stakeholders para maging handa ang buong bansa sa mga darating na panahon. Kung ang problema ay sa access, pwedeng gumawa ng paraan ang LGUs tulad ng planong gawin ni Vico Sotto sa Pasig. Kung ang problema ay sa instruction, pwedeng magtulong tulong ang mga eksperto, guro, at institusyon sa pagdevelop ng mga bagong learning strategies at curriculum. Kinakailangan rin ng sapat na training ang ating mga guro dahil sa makabagong pamamaraan na ng pagtuturo ang kanilang isasagawa. Kung ang problema ay ang study habits, pwedeng i-tap ang tulong ng pamilya o ng mga magulang. Mahalaga ang whole of the nation approach sa pagprovide ng dekalidad at ligtas na edukasyon sa mga kabataan kahit sa panahon na ito ng pandemya. Ngunit, sa tingin ko ay kulang ang ilang buwan para maging handa tayo.

Ang kahandaan ng ating bansa sa makabagong pamamaraan na ito ang pinakamalaking tanong ng mga estudyante. Matuloy man o hindi ang klase sa agosto, may mahalagang mensaheng ipinapahiwatig sa atin ang pandemyang ito.

Kailangan nating tanggapin ang pagbabago. Darating at darating ang panahon na iiwanan natin ang ating mga nakasanayan upang makasabay sa pagbabago ng mundo at panahon.

Maging bukas ang isipan natin sa pagbabago, sapagkat walang permanenteng bagay sa mundo kundi pagbabago. Maghanda, magbago, mag-adapt, yan ang key to survival ng sangkatauhan kung paano siya nakasurvive sa malulupit na hamon ng mundo.