Mayo 28, 2020, Daet, Camarines Norte. Itinalaga bilang pangalawang COVID-19 testing laboratory sa kabikulan ang Bicol Medical Center sa lungsod ng Naga. Ito ay matapos mabigyan ng pormal na lisensya ang nasabing ospital upang magsagawa ng tests para sa COVID-19.

Gagamitin sa BMC ang GeneXpert testing na kung saan isa sa mga accurate at mabilis na pamamaraan ng testing para sa COVID-19. Ang BMC testing laboratory ay tatanggap ng mga samples mula sa Camarines Sur at Camarines Norte.

Sa kasalukyan, may kapasidad ang nasabing laboratoryo na magtest ng 40 samples kada araw. Ibibigay ang 15 slots para sa probinsya ng Camarines Sur, 15 slots para sa lungsod ng Naga, at 10 slots sa lalawigan ng Camarines Norte para sa araw araw na pagsasagawa ng mga testing.

Inaasahan na malaki ang maitutulong sa pagsasagawa ng mas maraming COVID tests sa rehiyon dahil sa pagkaka-accredit ng Bicol Medical Center bilang karagdagang testing laboratory. Sa kasalukuyan ay may dalawa ng opisyal na COVID-19 testing center sa buong Bicol region na matatagpuan sa mga lungsod ng Legazpi at Naga.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News