Si Prof. Danilo Madrid Gerona habang nagbibigay ng lecture sa mga dumalo.

Hunyo 22, 2020, Daet, Camarines Norte. Maging ang pandemya ay hindi napigilan ang paggunita ng 437th foundation year ng bayan ng Daet sa pamamagitan ng isang pribadong inisyatibo at okasyon. Nitong nakaraang Hunyo 20, 2020 ay ginunita ng ilang mga Daetenyo sa isang pribadong lugar sa Barangay, Calasgasan, Daet, Camarines Norte ang yaman ng kasaysayan ng bayan sa pamamagitan ng isang lecture forum at simpleng pagtitipon.

Kabilang sa mga dumalo sa okasyon ang ilang guro, mga taga midya, religious sector, at iba pa. Sa nasabing pagtitipon ay inobserba rin ang physical distancing, pagsusuot ng face masks, at iba pang health protocols upang masiguro ang kaligtasan ng mga dumalo.

Ayon kay Prof. Danilo Madrid Gerona na isa sa mga pinakatanyag ng historian sa bansa at pangunahing lecturer sa pagdiriwang, napakayaman umano ng kasaysayan ng Daet at lalawigan ng Camarines Norte, rason upang maipagmalaki ito ng mga mamamayan nito sa buong bansa.

Bukod sa tanyag na bantayog ni Rizal, ang lalawigan rin ay ang nagluwal sa mga pinakamatatalinong bayani, artists, at intelektwal hindi lang sa kabikulan kundi sa Pilipinas, dahilan upang sa lalawigan umusbong ang nag-iisang paghihimagsik sa kabikolan na dulot ng nasyonalismo ng ating mga ninuno.

Dagdag pa ni Gerona, bago pa man dumating ang mga Kastila ay tanyag na ang lalawigan ng Camarines Norte partikular ang bayan ng Paracale sa buong Pilipinas dahil sa taglay nitong yaman. Patunay lamang umano ito ng malaking ambag at importansya ng lalawigan ng Camarines Norte at bayan ng Daet sa kasaysayan ng bansa.

Sa darating na Hunyo 24, ay ipagdiriwang ng bayan ng Daet ang kapistahan nito sa karangalan ni San Juan Bautista na siyang itinalagang patron ng bayan matapos itong itatag bilang isa sa mga pinakaunang “doctrina” sa kabikulan ng mga paring Pransiskano.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News