Daet, Camarines Norte, Hunyo 27, 2020. Kinansela muna ngayong taon ng Lokal na gobyerno ng lungsod ng Naga at Arkidiyosesis ng Caceres ang taunang Traslacion, Fluvial Procession at iba pang mga nakasanayang aktibidad para sa Peñafrancia Festival. Ito ay upang maiwasan ang labis na pagbugso ng mga deboto at turista galing sa iba’t ibang lugar bunsod nga ng nagpapatuloy na programa ng pamahaalan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon sa joint statement na inanunsyo ng LGU Naga at Archdiocese of Caceres sa Peñafrancia 2020 press conference kaninang umaga, sususpendihin muna ang lahat ng uri ng prusisyon sa kapistahan ng birhen ng Peñafrancia maging ang taunang Civic/ Regional Military Parade, Miss Bicolandia, Trade Fairs, Concerts, at iba pang uri ng mass gatherings na may kinalaman sa kapistahan ng lungsod. Suspendido rin muna ang tradisyunal na pahalik sa imahe ng Peñafrancia at Divino Rostro dahil sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Ang mga deboto ay inaabisuhan na lamang na ipagdiwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen sa kanilang mga tahanan o lokal na parokya sa pamamagitan ng mga Novena prayers and Masses at bagkus ay hinihikayat na iwasan na ang pagbyahe patungo sa Lungsod ng Naga upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Magsasagawa rin ang simbahan ng mga online livestreaming ng mga Church activities upang patuloy na maipagdiwang ang kapistahan nang hindi na nangangailangan ng pisikal na presensya sa simbahan.

Samantala, humihingi naman ng kooperasyon ang simbahan at ang lokal na gobyerno ng lungsod ng Naga sa mga deboto upang maging maayos at matiwasay ang pagdaraos ng ika-tatlong daan at sampung kapistahan ng Peñafrancia sa gitna ng nararansang pandemya ngayong taon.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News