Agosto 10, 2020, Daet, Camarines Norte. Pinawi ng Pamunuan ng Pulisya sa lalawigan ng Camarines Norte ang pangamba ng publiko hingil sa labindalawang (12) miyembro ng kapulisan na nagpositibo sa COVID-19. Ito ay matapos linawin ni Police Colonel Marlon Tejada, hepe ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), sa kanyang pahayag na ang mga nasabing pulis ay agad na dumaan sa isolation at hindi nakisalamuha sa publiko.

Ayon sa CNPPO, ang labindalawang pulis na ito ay sumasailalim sana sa schooling/training sa Camp Nakar sa lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon ngunit pinauwi sa kani-kanilang probinsya matapos maexpose sa isa nilang kaklase na nagpositibo sa COVID-19.

Ang mga ito rin ay agad na dinala sa isang designated isolation facility sa lalawigan hanggang sila ay ma-swab test. Kasalukuyan pa ring naka-isolate ang mga nasabing miyembro ng pulisya hanggang sila ay maideklarang negatibo na sa COVID-19.

Matatandaan na tatlong miyembro ng Pulisya sa lalawigan ang naunang nagpositibo at siyam (9) naman kahapong linggo. Labing-isa sa mga ito ay nakadestino sa CNPPO at isa naman ang nakadestino sa Anti-Cyber Crime Unit ng PNP Bicol.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News