Setyembre 20, 2020, Daet, Camarines Norte. Sa kabila ng pandemya ay mataimtim pa ring ipinagdiriwang ngayon sa buong Kabikulan ang kapistahan ni “Ina” o Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Matatandaan na una ng kinansela ang lahat ng mga nakasanayang mass gathering activities sa kapistahan tulad ng Traslacion at Fluvial Procession upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Dahil dito, naging mataimtim na lamang ang pagdiriwang ng kapistahan sa pamamagitan ng pagdaraos ng nobenaryo at mga misa na pwedeng mapanuod at mapakinggan ng publiko online. Sa mensahe pastoral ni Arsobispo Rolando Tirona ng Archdiocese of Caceres, binigyang diin nito na bagama’t naiba ang pagdiriwang ng kapistahan, nakaugat pa rin sa puso ng debosyon ang hindi magmamaliw na presenya ng Mahal na Ina kahit ano pa man ang kalagayan natin sa buhay.

Dagdag pa ng Arsobispo, sa kabila ng nararanasang pandemya ay patuloy lamang na magtiwala sa pagkalinga at pagmamahal ng Mahal na Birhen na siyang nagbibigay ng lakas sa ating lahat.

“Sa tahaw kan mga huma niato sa buhay, lalong lalo na an pandemia, minasarig kita sa dayupot na pagkamoot ni INA. Sa lindong kan saiyang Manto nin pagkamoot, sinusurog kita asin tinatao sato an burabod nin kusog.”bahagi ng mensahe pastoral ng Arsobispo.

Taong 1924 nang ideklara ng Simbahan ang Birhen ng Peñafrancia bilang pangunahing Patrona ng Bicolandia. Nagsimula lamang sa isang maliit na baryo sa paanan ng bundok Isarog, ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa kabikulan ang siya na ngayong isa sa pinakamalaking “Marian devotion/feast” hindi lamang sa buong Pilipinas kundi pati na rin sa buong Asya at daigdig.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News