Nobyembre 17, 2020, Jose Panganiban, Camarines Norte -Tuluyan nang ipinatupad ng pamahalaang local ng Jose Panganiban, Camarines Norte, kahapon, Nobyembre 16, 2020, araw ng Lunes ang pag demolish sa ilang bahagi ng commercial area sa mismong centro ng naturang bayan.

Sinabi ni Jose Panganiban Mayor Mayor Ariel Non, tinakpan ng ilang mga itinayong establishments ang mismong “water run off canal” na nagsisilbi na ring hadlang sa road right of way ng lansangan sa nasabing bayan.

Anya, kung hindi ito idedemolish, magpapatuloy itong magdudulot ng pagbabara sa mga pangunahing kanal sa bahagi ng Loveria St. ng naturang bayan at mahahadlangan ang natural na daloy ng tubig-ulan mula sa Orange Hill patungo sa kabayanan, dagdag pa rito ang pagsikip ng trapiko sa lugar. 

Setyembre 2019, nang unang plinano ng LGU Panganiban ang pagdemolish at clearing operations dito, base na rin sa atas ng Department of Interior and Local Government o DILG. Subalit ayun kay Mayor Non, nakiusap umano ang mga negosyanteng nakapwesto sa lugar ng hanggang March 30, 2019 upang mapaghandaan nila ang pag sasaayos sa kanilang mga pwesto. 

Subalit ayon sa alkalde, bago pa man lang dumating ang napagusapang panahon ng demolisyon, sa halip na tumupad ang mga negosyante sa napag-usapan, nagsampa ang mga ito ng kaso sa korte laban sa LGU Jose Panganiban para hadlangan ang implementasyon ng demolisyon. 

Dahil dito, nagbaba ang korte ng Temporary Restraining Order (TRO), kaya hindi na muna naipatupad ang clearing operation.

Matapos ang ilang buwan, Oktubre 30, 2020 tuluyan na ring dinismiss ng konrte ang nasabing kaso kasabay ng pagbawi ng TRO at injunctive writ na nagbabawal sa LGU na gawin ang clearing and demolition.

At dahil pinanghahawakan anya ng mga LGU sa buong Pilipinas ang kaatasan ng DILG para sa clearing operations, isinagawa na ni Mayor Ariel Non ang nasabing aksyon. Sinabi ng alkalde na napapanahon na sa ngayon ang paglilinis ng mga kanal, dahil panahon ngayon ng bagyo at mga pag-ulan.

Aminado si Mayor Non na mabigat sa kanyang kalooban ang kanilang aksyon, subalit anya, bilang pinagkatiwalaan bayan, kinakailangan nyan isulong ang interes, kapakanan at kaligtasan ng mas nakararami nilang kababayan, kesa sa iilan. 

“IBINABALIK KO LANG ANG PARA SA TAUMBAYAN” Ayun pa sa alkalde.

RODEL M. LLOVIT

Camarines Norte News