Naghatid ng tulong ang President and Chairman of the Board ng Bataan Shipyard Engineering Co. Inc. (BASECO), Ronnie Ragiles Samonte sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa Bayan ng Vinzons, kaninang umaga, November 23, 2020.
Kabilang sa mga ipinamahagi ni Samonte ay set ng mga banig, kumot, PPE (Persobal Protective Equipment), mga payong, tsinelas at food packs.
Ilan sa mga barangay ng Vinzons na nabahagian ng tulong ay barangay ng Napilihan, Mangcayo, Sula, Sabang, at Calaguas Group of Islands.
Kasunod nito ay tinungo rin ng kanilang team ang Barangay Bagasbas sa Daet kung saan sila ay namahagi rin ng mga nabanggit na tulong kagamitan at pagkain.
Katuwang sa pamamahagi ng mga nasabing donasyon ang Pamahalaang Bayan ng Vinzons sa pamumuno ni Mayor Eleonor Segundo at Pamahalaang Barangay ng Bagasbas sa pamumuno naman ni Captain Iluminado Abordo.
Nakalinya rin umano sa mga susunod na hahatiran ng donasyon ang Barangay Magang, bayan ng San Lorenzo at Mercedes sa Camarines Norte.
Matatandaan na kamakailan ay namahagi rin ng Cash Assistance sa ilang bayan sa lalawigan si Ginoong Samonte bilang tulong sa mga lubhang naapektohan ng kasalukuyang kinakaharap na pandemya.
Si Samonte ay dating kagawad ng bayan ng Basud sa lalawigan.
Nang tanungin naman ito kung may balak na pasukin muli ang pulitika, sinabi nito na sa tamang panahon ay maaari itong pag-isipan ngunit sa ngayon umano, ang mahalaga ay makatulong at maipakita ang concern at pagmamahal sa mga kababayan lalo ngayong panahon ng pandemya at mga nagdaan na sakuna.