NAWALANG PALAMUTI, NANUMBALIK NA DIWA

By Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News 

December 25, 2020

 

Kapansin pansin ang katahimikan ng Pasko. Wala na ang mga batang nangangaroling, nagbawas rin ng handa si Nanay at Tatay, di muna makakadalaw ang mga paslit na inaanak, nabawasan ang pailaw at mga parol, wala na rin munang gaanong kasiyahan o kantahan, limitado ang laman ng mga shopping centers dahil sa patuloy nating pag-iingat sa panahon ng pandemya.

Marahil ay stay at home muna si Santa dahil sa mahigpit na travel protocols sa buong daigdig, ngunit isang konkretong paalala ng pasko ang nanatiling nakatayo, ang imahe ng banal na mag-anak sa Belen, imahe ng pag-asang paparating sa gitna ng ating mga paghihirap at pagsakit sa buhay. Ito ang imahe ng Diyos na ating naging sandalan sa loob ng nakakatakot at nakakabagot na lockdown.

Marami ang nagsasabing hindi nila ramdam ang pasko sa gitna ng pandemya, ngunit iyan ay para lamang sa mga taong nakatuon sa materyalistikong selebrasyon, at hindi sa tunay na temang dapat pagtuunan nito. Ano ba ang hindi natin ramdam? Ang pasko, o ang mga materyal at makamundong kasiyahan? Kasi sa palagay ko, mawala man ang materyal na elemento, mananatiling buhay pa rin ang diwa ng pasko.

Kung sa materyal na bagay ang pokus ng Pasko, sana’y pinag-handa ng Diyos ang kanyang mga anghel ng komportableng higaan. Hindi sana sa sabsaban ipinanganak ang Panginoon. Hindi sana mga pastol ang kanyang mga panauhin kundi ang mga hari at reyna ng daigdig. Hindi sana siya ipinanganak sa lugar ng Bethlehem kundi sa isang malaking lungsod tulad ng Jerusalem. Tunay na ang karangalan sa paningin ng Diyos ay malayong malayo sa nais ng tao.

Pagnilayan natin ang kapaskuhan ngayong panahon ng pandemya. Malayo sa mga nakabibinging ingay ng mga kaliwa’t kanang selebrasyon, malayo sa konsyumerismo na siyang sumira sa tunay na diwa ng pasko, naririto tayo ngayon nangangapa at nangangailangan ng gabay. Nawala ang mga palamuti, naalis ang makamundong selebrasyon, upang anyayahan tayong magnilay at mapanumbalik ang tunay at mas malalim na diwa ng pasko.

Pagnilayan natin…….