Disyembre 30, 2020, Daet, Camarines Norte. Matumal at matamlay pa rin ang bentahan ng mga paputok at pailaw para sa pagsalubong sa bagong taon sa bayan ng Daet, ito ay ayon na rin sa mga nagtitinda ng paputok sa nasabing bayan. Sa pag-iikot ng Camarines Norte news team kaninang hapon sa mga stalls ng mga paputok sa Barangay Camambugan ng nasabing bayan, kapansin pansin ang kakaunting bilang ng mga mamimili kumpara sa mga nakaraang taon ng paghahanda para sa bagong taon.

Ayon kasi sa mga may ari ng stalls ay kadalasan kapag dalawang araw bago sumapit ang bagong taon ay dagsa na agad ang mga mamimili at parokyano ng iba’t ibang paputok at pailaw sa bayan. Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagtumal ng bentahan ay ang kasalukuyang pandemya pati na rin ang mahigpit na kampanya ng mga otoridad upang iwasan na ang pagbili ng mga paputok at pailaw sa bagong taon.

Matatandaan na nauna nang idineklara ang total firecracker ban sa Metro Manila at sa ilang probinsya sa bansa. Samantala, sa bayan naman ng Mercedes sa lalawigan ng Camarines Norte ay tuluyan nang ipinagbawal ang pagbebenta, pagdadala, at pamimili ng paputok para sa bagong taon, rason upang maapektuhan nito ang bentahan ng mga paputok sa lalawigan.

Bukod sa matumal na bentahan ay nagtala rin ng bahagyang pagtaas sa presyo ng mga paputok at pailaw sa bayan. Naglalaro sa mga sumusunod na presyo ang mga nasabing pailaw at paputok:

  • Lusis – 150 pesos
  • Small Colored Fountain – 100-130 pesos
  • Small Silver Fountain – 180-220 pesos
  • Large Aerial Fountain – 2500-2800 pesos
  • Kwitis – 12-15 pesos kada piraso
  • Higad – 180-200 pesos kada isang haba
  • Sawa (1000 rounds) – 950-1000 pesos
  • Baby Rocket (50 pcs) – 200 pesos
  • Roman Candle – 100-130 pesos per 10 pcs
  • Saturn Missile – 350-400 pesos per set

Samantala, bagama’t matumal pa rin ang bentahan ay patuloy namang inaasahan ng mga nagbebenta ng paputok  ang pagdagsa ng mga tao bukas upang humabol sa pagbili ng mga pailaw at paputok para sa pagsalubong sa bagong taon.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News