San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte, Enero 7, 2021 – Hawak na ng pulisya ang ika-5 sa Top Ten Municipal Most Wanted Persons ng San Lorenzo Ruiz Municipal Police Station (MPS).

Ayon sa ulat ni PLt. Jay P. Bacerdo, Officer In-Charge ng San Lorenzo Ruiz MPS, nagtungo ang kanilang joint tracker team katuwang ang iba pang operatiba sa lalawigan ng Bulacan, partikular sa SM Baliuag, bandang alas-7:15 ng gabi nitong Enero 6, 2021 upang arestuhin ang suspek na si Aljon De Luna y Macale, 25 taong gulang, binata, laborer, at residente ng Brgy. Matacong, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.

Ang isinagawang pagdakip ay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Evan D Dizon, Presiding Judge ng RTC Branch 40 ng bayan ng Daet, para sa kinakaharap nitong kasong rape na may kaugnayan sa paglabag sa RA 7610 at walang inirerekomendang pyansa.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng mga tauhan ng San Lorenzo Ruiz MPS ang suspek para sa nararapat na disposisyon. (Edwin Datan, Jr., Camarines Norte News)