Nobyembre 14, 2020, Daet, Camarines Norte. Bumisita sa lalawigan ng Camarines Norte si Bicol PNP Director Police Brigadier General Bartolome R. Bustamante upang kumustahin ang lalawigan matapos ang pananalasa ni Bagyong Ulysses sa kabikulan. Ang nabanggit na pagbisita ay parte ng koordinasyon ng PNP sa mga lokal na pamahalaan at upang palakasin ang loob ng mga kapulisan sa lalawigan na walang sawang nagtatrabaho maging sa panahon ng kalamidad.

Mainit naman na tinanggap ng pamunuan ng CNPPO sa pamumuno ni Police Colonel Marlon C. Tejada at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgardo Tallado ang pagbisita ng PNP Bicol sa Camarines Norte. Kabilang sa mga bayang ininspeksyon ni Bustamante ay ang mga bayang labis na napinsala ng bagyo tulad ng Labo, Vinzons, at Daet.

Pinuri naman ni Bustamante ang mga mamamayan ng Camarines Norte sa kanilang katatagan sa gitna ng hamon ng mga sunod sunod na kalamidad. Pinasalamatan rin ng heneral si Gobernador Edgardo Tallado sa walang sawa nitong suporta at tulong sa pamunuan ng kapulisan sa buong lalawigan.

 

Camarines Norte News