Patay ang isang tricycle driver matapos makuryente habang nangingisda sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Randy Rey Reyes y Ibasco, 34 anyos, residente ng Purok 4, Barangay 3 sa naturang bayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, habang naghihintay ng pasahero ang biktima kasama ang isa pang tricycle driver sa Boundary Liners Terminal sa Purok 5, Brgy. Del Rosario, ay nagkasundo ang dalawa na manghuli ng isda sa sapang malapit sa terminal sa pamamagitan ng pagkuryente, gamit ang wire na direktang nakasaksak sa isang live outlet.

Habang nasa tubig, aksidente umanong nahawakan ni Ibasco ang dulo ng wire dahilan upang ito ay makuryente.

Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.