(Chasing Waterfalls Series I)

Naghahahanap ka ba ng kakaibang romantic pasyalan? Pwes hindi mo na kailangang lumayo pa dahil nandito pala sa ating lalawigan ang Pag-ibig Falls.

Ito ay isa sa mga bagong tuklas na tourist destination ng Provincial Tourism Operations Office na kasama sa “Chasing Waterfalls” series.

Tiyak na maiinlab ka sa ganda ng falls na ito kapag narating mo pagkatapos lamang ng 20 minutong paglalakad mula sa jump off site.

Ito ay tinawag na Pag-ibig Falls dahil sa kweba sa likod ng mala-kurtinang falls na kung saan ang magsing-irog ay maaaring pumasok at magpahayag ng pag-ibig sa isa’t-isa na sikreto at hindi nakikita sa labas ng falls.

Perfect ang romantic setting na ito sa mga gustong magpropose sa kanilang mga iniirog. Pwede rin itong subukan ng mga single na nais mahanap ang kabiyak ng kanilang puso habang ine-enjoy ang kalikasan.

Ano pa ang hinihintay mo? Tara na sa barangay Anameam, Labo at pasyalan ang Pag-ibig Falls.

Mula sa Daet, maaaring sumakay ng bus o jeep na papunta sa bayan ng Sta. Elena at sabihin sa driver na ibaba sa Barangay Anameam. Pumunta muna sa Barangay Hall, magpatala at sundin ang mga alituntunin na itinakda para sa mga turista ngayong New Normal.

Nag-uulat: CRESENCIO B. ADLAWAN