Pebrero 27, 2021, Daet, Camarines Norte. Patay ang isang Barangay Kagawad sa bayan ng Labo matapos ang umano’y paghahain ng search warrant ng mga kapulisan sa mismong pamamahay nito sa Purok 3, barangay Talobatib mga bandang alas-dos ng madaling araw, Pebrero 26, 2021. Kinilala ang napatay na si Melandro Verzo, 58 taong gulang, at kasalukuyang kagawad ng Barangay Dumagmang sa bayan ng Labo.

Kopya ng spot report mula sa pulisya patungkol sa isinagawang paghahain ng search warrant na nagresulta sa pagkakapatay sa Barangay Kagawad.

Base sa ipinalabas na spot report ng pulisya, habang magsisilbi umano ng search warrant ay pinaputukan umano ni Verzo ang mga pulis gamit ang isang caliber 45 submachine gun, dahilan upang gumanti ng putok ang kapulisan na nagresulta sa pagkakapatay kay Verzo. Ayon din sa nasabing spot report ay narekober sa pamamahay ni Verzo ang ilang granada at armas.

Samantala, hustisya naman ang sigaw ng pamilya Verzo na mariing pinabulaanan na nanlaban ang kanilang padre de pamilya sa mga pulis. Ayon sa facebook post ng isa sa mga anak ng napatay na kagawad, pwersahan umanong pinasok ng kapulisan ang kanilang pamamahay sa pamamagitan ng pagsira ng mga ito sa pinto. Wala rin umanong ipinakitang search warrant ang mga pulis habang sapilitan nitong binubuksan ang mga kwarto sa kanilang pamamahay. Matapos ang pag-alingawngaw ng dalawang putok ng baril ay saka na lamang umano nila nakita ang katawan ng kanilang ama na ibinababa sa hagdanan. Bukod pa rito, sinira rin umano ng mga pulis ang mga nakakabit na CCTV sa kanilang bahay at maging ang ilan sa kanilang kagamitan ay nawawala rin.

Photo above: Mga larawang kuha mula sa anak ng napatay na si Kgwd. Verzo na nagpapakita ng umano’y sapilitang pagsira ng mga pinto at pagbaklas sa mga nakakabit na CCTV .

Kasalukuyang nakahalf-mast ang bandila sa barangay Dumagmang sa bayan ng Labo bilang pagluluksa sa pagpanaw ni Kagawad Melandro Verzo.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News