Php27  AT Php32 PER KILO NG NFA RICE, AVAILABLE NA BUKAS SA MGA PAMILIHAN – NFA CAM NORTE!

608---Nfa-rice

Simula bukas (Hulyo 8), makakabili na sa mga pamilihan at mga authorized retailers sa buong lalawigan ng Camarines Norte ng NFA rice na nagkakahalaga ng 27 pesos at 32 pesos.

Ito ang iniulat ni Mr. Rudy Lozano ng NFA Camarines Norte sa panayam ng Bay Radio sa programang Bay Lunch.

Puspusan ngayon ang pagkilos ng NFA hinggil sa posibleng pananamantala ng ilang mga negosyante sa gitna ng pag taas ng presyo ng commercial rice.

Sinabi ni Lozano na mahigpit ang kanilang pag momonitor sa mga pamilihan upang matiyak na walang pandaraya sa mga mamimili, partikular ang paghahalo ng NFA rice sa Commercial rice at ibinebenta sa presyong commercial. Ilan pa anya sa mga pandaraya na maaaring gawin ng mga rice dealers and retailers ay ang pagbebenta mismo ng NFA Rice bilang isang commercial rice at ang mga bulok nang bigas ay ibinibenta bilang NFA rice.

Tiniyak ni ginoong Rudy Lozano na magandang klase na ang NFA rice sa ngayon hindi katulad noong mga nakaraang panahon na merong amoy ang NFA rice. Madalas anya, na napagkakamalan na ring commercial rice ang kanilang NFA dahilan na rin sa ganda ng uri nito sa ngayon.

Gwardya-sarado ngayon ang nasabing mga NFA outlet, kasama na ang walo sa palengke ng Daet. Ito ay upang matiyak na naibebenta ang nasabing mga bigas sa tamang paraan. Katuwang nila dito ang LGU, PNP, CIDG at maging ang media sa pagmomonitor.

Ayun pa kay Lozano, sapat na sapat ang supply ng bigas sa Camarines Norte dahilan sa bukod sa 76 na libong bags ng bigas ay may nakatakda pang dumating sa sa lalawigan na umaabot sa 80 bags ng bigas na sa ngayon ay nasa piyer na mula naman sa bansang Vietnam.

Samantala, hinggil naman  sa posibleng pandaraya o pag hahalo ng mga bigas sa loob ng mga malalaking bodega ng mga negosyante, aminado naman si Lozano na wala silang kakayahang gawin ito. Maliban kung makakatuwang nila ang mga awtoridad, katulad ng NBI, PNP at ilang pang mga law enforcer. Hindi katulad noon, sa ngayon anya ay inalis na sa kanilang kapangyarihan ang pagiinpection sa mga malalaking bodega at at mga matatas na opisyal lamang ng Gobyerno kasama ang mga Law Enforcer ang syang nakapagsasagawa ng inspection, katulad lamang kahapon sa metro manila na kung saan mismong si Sec. Pangilinan at Roxas ang kasama sa surprise inspection sa malalaking bodega doon.

Gayunpaman, sinabi ni Lozano na hindi naman talamak ang ganitong uri ng panloloko sa Camarines Norte ng mga negosyante dahil, maliitan lang naman ang kalakalan ng bigas sa lalawigan.

 

Rodel Llovit

CNNews