MOTORCYCLE RIDER, SUGATAN SA PAMAMARIL NG DALAWANG KALALAKIHAN SA BAYAN NG JOSE PANGANIBAN!

Marso 19, 2018, Jose Panganiban, Camarines Norte – Sugatan ang isang motorcycle rider matapos harangin at pagbabarilin ng dalawang kalalakihan dakong 10:30 ng umaga kahapon, Marso 18, 2018, sa Purok 5, Brgy. Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si Victor Villamar y Camay, 46 anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte.

Sa imbetigasyon ng Jose Panganiban Municipal Police Station, mula sa nasambit na barangay ay pauwi na sana sa kanilang tahanan ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo nang bigla na lamang umano itong harangin ng dalawang kalalakihan na armado ng hindi pa matukoy na uri ng armas.

Walang sabi sabi umanong pinaputukan ng mga ito ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwang bahagi ng hita at paa.

Matapos ang pamamaril ay agad umanong tumakas ang mga suspek patungo sa di matukoy na direksiyon habang agad namang dinala sa Jose Panganiban Primary Hospital ang biktima para sa kaukulang atensiyong medikal.

Samantala, kinilala ang isa sa mga suspek na si Dick Dequilla, nasa hustong edad, residente ng Brgy. Parang ng nasambit na bayan habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang suspek na kasamahan nito.

Patuloy naman ang isinasagawang follow up investigation ng Jose Panganiban PNP para sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga suspek at pagkadarakip dito. Inaalam pa rin ang motibo sa nasambit na pamamaril.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *