ANNUAL BUDGET NG PAMAHALAANG LOKAL NG VINZONS, CAMARINES NORTE, HINDI PA RIN NAIPAPASA! SANGGUNIANG BAYAN AT OFFICE OF THE MAYOR, NAGTUTURUAN!

Muli na namang naulit ang istorya sa Annual Budget ng Pamahalaang lokal ng Vinzons. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito naaaprubahan at patuloy na dudulot ng kontrebersiya.

Sa panayam ng Bay Radio Kay Mayor Agnes Diezmo-Ang, labis umano nyang ipinagtataka ang tila matinding pamumulitika ng ilan sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons.

Hindi na pinangalanan ni Mayor Ang ang tatlong mga miyembro ng SB na anyay dahilan ng patuloy na pagkabalam ng pag apruba ng nasabing budget.

Samantala, una nang sinabi ni dating Mayor at ngayon ay konsehal Oliver Ferrer sa panayam ni SM Jigz Buñag ng Bay Radio, na makailang ulit na nilang pinabalik-balik sa tanggapan ni Mayor Agnes ang excutive budget dahilan na rin sa nananatili pa din umano ditong nakalagay ang probisyon na una nang naging dahilan ng pag deklara dito ng Sangguniang Panlalawigan na inoperative. Isang malaking kahihiyan naman anya hindi lamang sa kanilang konseho kundi mismong maging sa alkalde kung muli silang magsusumite ng kahalintulad pa ring appropriation ordinance sa Sangguniang Panlalawigan.

Samantala, pinabulaanan naman ito ni Mayor Ang, na ayon sa alkalde ay Oktubre pa ng kanilang isumite sa Sangguniang Bayan ang kanilang executive budget, subalit Enero na ng 2014 nang ito ay aksyunan ng naturang konseho. Pinatulog pa umano ng sanggunaing bayan ng dalawang buwan ang nasabing dokumento bago ito muling ibinalik sa kanya para sa ilang rekomendasyon. Sinabi pa ng alkalde na agaran din nyang naibalik sa Sangguniang Bayan matapos na aksyunan ang mga dapat baguhin.

Sa usapin naman ng kinukwestyong ARCP2 counterpart budget, sinabi ni Ang na wala itong kinalaman sa pagpapasa ng budget dahilan sa nang-galing umano ito sa supplemental budget at wala itong kuneksyon sa Annual Appropriations. Kumpleto rin anya ng mga dokumento na susuporta hinggil sa naturang pondo.

Sa ngayon anya ay nasa konseho na ang bola at nakiusap itong maaprubahan na, dahilan na rin sa napakaraming programa para sa kanilang mga mamamayan na patuloy na naaantala. Hindi na rin anya makapagpasahod ng mga Job Order bunsod ng hindi pa pagkakabasa ng budget.

Sakaling hindi pa rin ito maipasa hanggang sa susunod mga buwan, mananatiling ang nakatalikod na budget o Re-enacted budget ang kanilang susundin sa nasabing bayan, at dito, maraming mga programa ang maaaring maapektuhan sa usapin ng pananalapi sa naturang munisipalidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *