Nasa ilalim na ngayon ng pangangalaga at proteksyon ng Philippines National Police sa Camarines Norte ang isang nagpakilalang hired killer na si Eric Inchiong Y Manalon, 37 anyos, may asawa at residente ng Alpine Greenery Subdivision sa Brgy Magang Daet, Camarines Norte.
Ayun sa ipinalabas na PRESS Release na may petsang January 31, 2014 ng Camarines Norte PNP Public Information Officer PCI Wilmor Guerrero Halamani, Enero a-26, alas 11:40 ng umaga, dumating umano sa bahay ni Atty Michael Pajarillo sa San Roque St. Brgy 3, sa bayan ng Vinzons ang self-confessed hired killer na si Inchiong.
Laking gulat ni Atty Pajarillo ng biglang magkumpisal sa kanya ang naturang personahe at sinabing ito ang sana’y papatay sa kanya kapalit ng (P30,000.00) tatlumpung libong piso. Ibinunyag nito ang isang Richard Arana na nag utos umano sa kanya para patayin ang abogado.
Agad na sinuri ni Atty Pajarillo ang personahe kung nagsasabi ito ng katotohanan dahilan para ilabas at isinuko na mismo kay Pajarillo ng umanoy hired killer ang kanyang baril na cal. 45 pistol Colt’s MK IV Series 70 Gold Cup National Match, kasama ang magazine na naglalaman ng 7 live ammunitions at isang cherry mobile cellphone. Agaran naman itong isinurender ni Atty Pajarillo sa Pamunuan ng Vinzons PNP ang nasabing mga ebidensya.
Itinuturing na motibo umano ng suspek ang may kaugnayan sa mga kasong hinahawakan ng abogado laban naman kay Arana.
Kaugnay nito, Enero a-29, 2014 nang magsampa na ng 4 counts of attempted murder si Atty Pajarillo Laban kay Richard Arana, na naitala sa ilalim ng NPS-V-09-INV-14A-03221, 03222, 0322 at, 03224 sa tanggapan ng piskalya sa Daet, Camarines Norte.
SIDE OF ARANA (RESPONSE ON THE ISSUE)
Samantala, sa eksklusibong panayam ni Junjun Quibral ng Kadamay Network PBN-DZMD sa itinuturong mastermind na si Richard Arana, ikinagulat umano nito ang nasabing balita at para umano syang binuhusan ng tubig sa bigat ng paratang sa kanya.
Inihayag ni Arana na posibleng ang hindi nila pagkakasundo hinggil sa lupang binili nya kay Inchiong ang dahilan ng pag didiin nito sa kanya sa naturang kaso.
Nabili ni Arana ang lupa ni Inchong kamakailan sa halagang (P400,000.00) apat na raang libong piso. Agad nya umano itong dinevelop at pinatayuan ng bahay at tsaka ibinenta naman sa iba. Matapos anya na malaman ni Inchong na maibebenta nya ang nasabing pag aari ng mataas na lahaga, humingi umano ito sa kanya ng karagdagang dalawang daang libong piso, bagay na hindi pinagbigyan ng una.
Dito na umano nagsimulang pagbantaan sya ni Inchong bago nauwi na sa pagdidiin sa kanya sa kasong tangkang pagpapapatay kay Atty mike Pajarillo.
Hanggang sa isinasagawa ang panayam kay Arana, wala pa naman anya syang natatanggap na anumang dokumento hinggil sa kaso mula naman sa korte.
Gayunpaman, nakahanda naman anya sya na harapin ang naturang paratang at nakikipag ugnayan na rin sya sa kanyang abogado.
SIDE OF ATTY. PAJARILLO
Samantala, tinangka din ni Kadamay Patrol Jun Jun Quibral na kunin ang pahayag ni Atty Pajarillo subalit tumanggi ito sa on air interview. Bahagya lamang ang binitiwan salita nito at sinabing hindi sya sanay na pinag-uusapan sa media ang mga kahalintulad nitong maselang usapin. Sa korte na lamang umano sila mag haharap harap at dito malalaman ang katotohanan hinggil sa nasabing kaso.