Tuluyan na ring nabigyan ng tuldok ang kaliwa’t kanang batikos sa DPWH at BEMKAR construction hinggil sa mala-kalbaryong kalsada ng J. Lukban Extention sakop ng brgy Camambugan.
Ang J. Lukban extension ang nag sisilbing detour para sa isinasagawang Mabulao Bridge sa bahagi naman ng F. Pimentel Avenue, malapit sa CNSC Main Campus.
Kamakailan ay inihayag ni Dist Engr. Simon Arias ng DPWH Camarines Norte na hanggang sa buwan pa ng Hunyo ng kasalukuyang taon matatapos ang pagpapagawa ng naturang tulay base na rin sa schedule ng pagpapalabas ng pondo para dito mula sa DBM.
Dahilan din sa kawalan ng detour, nagsilbing pansamantalang daanan ng mga sasakyan ang J. Lukban Extension na naging dahilan para tuluyan na ring masira ang kalsada dito. Naging dahilan din ito ng dagdag pang batikos sa DPWH at sa kontratista ng proyekto ng mga sumunod pang mga panahon.
Base sa napagkasunduan sa mga naunang usapan at pangako ng DPWH, ipaaayos umano ng kontratista ang proyekto ang kalsada ng J. Lukban Extension na nasira dahilan sa dami n g mga gumagamit nito.
Kamakailan nga, tuluyan na itong naipaayos ng kontratista at ito ay sa pamamagitan ng asphalt overlay, bagay na mas ikinatuwa ng mga motorist dahilan sa maginhawa na itong madadaanan kumpara ng mga nakatalikod na araw.
Maging ang gilid nito ay pinalawak na rin ng DPWH para mas maging maluwag sa mga pedestrian na naglalakad sa nasabing lugar.
RELATED NEWS:
DPWH WITH SANGGUNIANG PANLALAWIGAN TO INSPECT ON GOING ROAD CONSTRUCTIONS AND REHABILITATIONS IN CAMARINES NORTE.
Nagsagawa ng ocular inspection ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Jonah Pimentel at BM Gerry Quiñonez bilang chairman ng SP committee on infrastructure at ilan pang bokal at ang DPWH sa pamamagitan naman ni DPWH District Engr Simon Arias sa mga pagawain at rehabilitasyon ng mga lansangan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Tinukoy sa nasabing pagbisita ang ilang mga sira-sirang patrabaho partikular ang road widening sa mga pangunahing highway sa lalawigan.
Agaran naman inatasan ni DE Arias ang mga kontratista ng naturang mga proyekto na agaran din namang isinaayos. Paliwanag ng mga ito na dahilan ito sa mga pag ulan na naganap nitong mga nakatalikod na mga araw kung kayat nasira ang kanilang mga inilatag na aspalto sa nasabing asphalt overlay project.
Sa ngayon ay pinamomonitor na ng Sangguniang Panlalawigan at DPWH ang naturang mga proyekto para agaran ding mapag tuunan ng pansin at agarang maisaayos.
Ricky Pera/Donde Consuelo
CNNews Corespondent