ILLEGAL MINING OPERATIONS, DAPAT SUGPUIN AYUN KAY GOV. EGAY TALLADO!
Umaayon si Gob. Edgardo A. Tallado sa pagkilos kamakailan ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR upang sugpuin ang illegal mining dito sa Camarines Norte.
Sinabi niya na, “noon pa man ay paulit-ulit na niyang sinasabi sa mga nagmimina na huwag silang mag-ooperate ng walang permit. Na kung expired na ang kanilang permit ay tumigil sila sa pagmimina at huwag matigas ang ulo.”
Ayon pa sa kanya nararapat lamang na siguruhin ng MGB-DENR na mayroon karampatang permit mula sa kanilang tanggapan ang mga large scale mining companies na nag-ooperate dito sa sa lalawigan at ipataw ang nararapat na penalidad kung mapapatunayang illegal ito.
Kamakailan ay hiniling din ng gobernador sa MGB na bumisita sa Larap, Jose Panganiban upang alamin kung legal ang napabalita doon na pagkakarga ng yamang mineral palabas ng probinsiya. Kaagad namang isinagawa ng MGB ang pagtungo doon kasama ang mga kawani ng PENRO ng pamahalaang panlalawigan.
Sa panayam kay Atty. Adan Botor, Provincial Legal Officer sinabi niya na ang illegal na pagmimina ay una walang kaukulang permiso mula sa awtoridad upang magmina at ang ikalawa ay nakakasira ang operasyon nito sa kalikasan at wala rin kaukulang environmental compliance certificate. Maraming nagmimina sa Camarines Norte na kumukuha lamang ng mga kaukulang permit kapag nabisto na ang kanilang operasyon.
Natutuwa din si Gob. Tallado na ang ating Diyoses ng Daet sa pangunguna ni Most Rev. Gilbert A. Garcera, D.D. Bishop ng Daet ay pagtutuunang pansin ang usapin ng pagmimina ngayong taong ito na itinakdang “Year on the Laity and Socio Pastoral Concerns” ng Simbahang Katolika. Malaking bagay na sa pamamagitan nila ay maiparating ang mga reklamo ukol sa illegal mining operations sa kanilang mga parokya, ayon pa sa kanya. Mas may kredibilidad ang kanilang panawagan kaysa sa mga pagkilos ng ilan na sa kanyang pananaw ay “politically motivated.
RELATED STORIES
Magugunitang kamakailan ay ni-raid ng grupo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang mining site sa bahagi ng Brgy Napaod sa bayan ng Labo. Dito nakumpiska umano ang mga mineral, heavy equipments na nagkakahalaga ng umaabot sa humigit kumulang labing dalawang milyon ayun sa pagtataya ng PAOCC.
Inaresto ang labing apat (14) na Chinese na umanoy nagooperate ng naturang minahan na kinilalang sina Huan Hu Yu, Ji Zhi Shang, Li Zhi Cheng, Feng Nan, Wang Jin Gwei, Liu Yu Xi, Jia de Chen, Zhu Yu Bao, Wang You Wei, Zhang Xian Jun, Yuan De, Xu Zhi, Zhu Young Rui and Xu Xian Ming.
Ilan pa sa kinumpiska din umano ay ang tinatayang nasa 500 metriko toneladang processed concentrates katulad ng black sand, iron copper, silver and gold, backhoes, bulldozers at tatlong sports utility vehicles na Toyota Fortuner na may plakang BHT 66, a Mitsubishi Montero Sport na may plakang UIL-618 at isa pang SUV na may special plate na CIDG-CIS.
Agad din umanong dinala sa tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau sa maynila ang nasabing mga heavy equipments at mga nakumpiskang mineral habang inihahanda ang kaso laban sa mga dayuhan. Samantalang sa tanggapan naman ng Bureau of immigration pansamantalang ikinostodiya ang labing apat na Chinese nationals.
Ang naturang raid ay bilang tugon umano sa mga reklamong nakarating sa NBI, MGB at Dept. of Justice hinggil sa diumanoy patuloy na pagmimina ng nasabing kumpanya sa kabila ng kawalan ng permiso mula sa pamahalaan gayundin ang umanoy kawalan ng sapat na permiso at dokumento ng nasabing mga dayuhan.
Ito rin ay pinaniniwalaang bunga ng mga sulat na ipinadala ni Camarines Norte 1st District Representative Catherine Barcelona-Reyes sa MGB at Bureau of immigrations gayundin sa DOJ na humihiling na patigilin na ang mga illegal mining sa lalawigan.
BOHAI CRIES FOUL ON THE ALLEGED RAMPAGE OF THE MINERAL PROCESSING PLANT AND THE ARRREST OF 14 CHINESE NATIONALS!
Samantala, umalma naman ang kampo ng BOHAI Top International Mining Corporation sa naging proseso ng pagpasok sa kanilang Processing Plant at panghuhuli sa nasabing mga dayuhan.
Sa panayam kay Atty. Girlie Prado, tumatayong abogado ng nasabing kumpanya, sinabi nito na naging mapagmalabis ang naturang mga awtoridad sa mga naging pagkilos ng mga ito.
Sinabi nitong wala nang mining operation na nagaganap sa nasabing lugar matapos na makatanggap sila ng stoppage order at sa ipinalabas na cease and desist order mula sa MGB.
Ang pananatili anya ng mga Heavy Equipments sa lugar ay ang pagpapatag na isinasagawa bilang bahagi ng kasunduan na kinakailangang irehabilitate ang lugar na pinagminahan pagkatapos itong minahin at binigyang diin na walang nagaganap na paghuhukay dito. Meron din anya sa meron silang pending aplication para sa mineral processing sa nasabi ding lugar.
Maging sya mismo umano ay muntik na ring ring hulihin ng mga miyembro ng NBI. Isa anyang uri ng panghaharash sa kanila ang ginawa ng nasabing mga awtoridad matapos nyang kwestyonin ang legalidad ng nasabing operasyon. Pinagbantaan pa anya sya ng isa sa mga ahente ng NBI na sasampahan ng kasong disbarment dahilan lamang sa kanyang pag tatanggol sa karapatan ng kumpanyang kanyang kinakatawan.
Balak din ni Atty. Prado na magsampa ng kasong illegal detention sa mga humuli sa mga chinese nationals dahilan sa wala na naman anyang naisasampa na anumang kaso laban sa mga ito simula ng hulihin noong petsa a-6, feb 6, araw ng huwebes, (kahapon, araw ng miyerkoles, feb 12, nang isagawa ang panayam kay Atty Prado ng CNNews). Sinabi din nito na nasa NBI detention facility sa maynila ang mga hinuling mga dayuhan at wala umano sa bureau of Immigration. Wala din umanong dahilan para i-inquest ang kanyang mga kliyente dahil ilegal anya ang pag aresto sa mga ito. Pawang verification lamang dapat na gawin ng mga ito subalit nauwi na sa pag aresto at pagkuha at pag sira ng kanilang mga kagamitan.
Ilegal anya ang nasabing pag aresto dahilan na rin sa kumpleto ng working permit ang mga ito sa Department of Labor taliwas sa mga naunang mga napaulat, at meron din anyang Card Alien Certificate ang mga ito.
Maging ang ilang hinuling mga dayuhan ay hindi naman anya talagang nagtatrabaho doon, ilan sa mga ito ay mga nag aaral lamang dito sa Pilipinas.
Masama din ang loob ng pamunuan ng BOHAI Top International Mining Corporation, dahilan sa kahit na anya makapag comply pa sila ng kanilang mga requirements para sa kanilang aplikasyon sa Mineral Processing ay halos wala na rin silang mapagsisimulan dahilan sa nasira na at nakumpiska na ang kanilang mga pasilidad na nagkakahalaga ng humigit kumulang isang daang milyong piso (P100,000.00).
BOHAI, PRIOR TO THE CLOSURE ORDER
Ang BOHAI Top International Mining Corporation ay nagsimula sa small scale mining. Pagkababa ng Executive Order ng Pangulong Aquino na nagbabawal na sa mga small scale mining at pagbabawal sa pagbibigay ng permit sa mga bagong aplikante ng large scale mining, tumigil na umano ito ng operasyon at nag simula na ring mag apply para sa Mineral Processing na hanggang sa ngayon ay hindi pa din naman nakukumpleto ang mga dokumento at hindi pa rin naaprubahan.
Napag alaman din na bukod sa BOHAI Top International Mining Corporation, may isa pa umanong kumpanya na may claim din sa nasabing mining site.
May mga hindi kumpirmadong ulat na nakakarating sa CNNews na tone-toneladang mineral umano ang namimina ng nasabing kumpanya na pawang mga dayuhang intsek lamang ang nakikinabang at wala ang mga mamamayan ng Camarines Norte.
Sa harap ng mga ulat na ito, naninindigan naman ang BOHAI sa pamamagitan ni Atty Gerlie Prado na simula nang ibaba sa kanila ang cease and desist order ay tumigil na rin sila ng kanilang operasyon na ayun sa kanya ay small scale mining lamang.
SP, TO REGULATE THE OPERATION OF LARGE SCALE MINING IN CAMARINES NORTE. TAX WILL BE IMPOSED AND A POSSIBLE PASSAGE OF AN ORDINANCE TOTALLY PROHIBITING LARGE SCALE MINING IN CAMARINES NORTE.
Nag salita na rin ang Sangguniang Panlalawigan hinggil naman sa isyu ng pagmimina sa lalawigan ng Camarines Norte.
Kahapon din sa Regular Session ng naturang konseho, muling binigyan diin ni Board Member Gerry Quiñonez, bilang chairman ng Committee on Environment sa Sangguniang Panlalawigan na dapat na maipatupad ang ordinansang kanilang ipinasa hinggil sa pangangalaga ng kapaligiran.
Kasama dito ang pagbubuwis sa mga Large Scale Mining Operation sa Camarines Norte na sa ngayon anya ay umaabot na sa humigit kumulang tatlumpung (30) Operators sa kung saan saang bahagi ng Camarines Norte.
Sa panayam ng CNNews kay Board Member Gerry Quiñonez, sinabi nitong masaklap ang katotohanan na wala ni isang sentimo ang nakukuha dito ng Gobyerno ng Camarines Norte mula sa mga operators nito. Bukod pa sa pawang mga dasyuhan ang mga ito sa lalawigan.
Hindi rin anya dumadaan sa ating pamahalaan ang mga operators nito dahilan sa ang National Government anya ang tanging nagbibigay ng kapahintulutan dito.
Sa ilalim ng Ordinansa, maniningil ng buwis sa mga mining companies na maglalabas ng mineral sa ating probinsiya sa pamamagitan ng pagbabayad ng conservation and extraction fee.
Ang nasabing buwis ay direktang babayaran sa provincial treasurer’s office at ipapasok sa isang thrust fund. Ang 60% ng total collection ay gagamitin lamang exclusively para sa environmental monitoring, conservation, protection and development projects at mga programa ng pamahalaang panlalawigan para sa kalikasan.
Sa pamamagitan anya nito ay makababawi ang ating lalawigan sa pamamagitan ng buwis na syang magagamit naman natin para muling maibangon ang kalikasan mula sa pagkasira nito dulot ng pagmimina.
Samantala, sa harap nito, ibinunyag ni bokal Gerry na may isang Large Scale Mining company ang kumukwestyon sa ipinasa nyang Ordinansa. Tinukoy nito ang Mt. Labo Exploration and Development Corporation.
Naninindigan ang naturang bokal na bagamat may pag kwestyon nang naisampa sa Department of Justice, ipagpapatuloy pa rin nila ang pagpapatupad nito dahilan sa isa na itong batas at wala pa naman silang natatanggap na anumang sulat o kalatas mula sa DOJ hinggil sa nasabing reklamo.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang pagpapalabas ng Executive Order mula kay governor Edgardo Tallado para sa pag buuo ng Provincial Mining Regulatory Council na syang babalangkas sa mga large scale mining. Dito, hindi pahihintulutan ang sinumang Large Scale mining operators na makapagmina sa mga lupain ng Camarines Norte kung walang kapahintulutan mula sa naturang bubuuing council.
Kumpiyansa si Quiñonez na mangingibabaw ang kanilang ordinansa dahilan sa ito’y susog sa ordinansang ipinasa na rin sa lalawigan ng Davao Oriental at hanggang sa ngayon ay umiiral.
Maging ang “No to Mining Policy” sa lalawigan ng Palawan ay sa pamamagitan din anya ng isang provincial ordinance.
Gayunpaman, sakali anya na hindi sila paboran ng Department of Justice at tuluyang ipabasura ang nasabing ordinansa, nakatakda naman syang gumawa pa ng panibagong ordinansa na magbabawal nang tuluyan sa mga large scale mining sa lalawigan.
Inihalintulad nito ang ating lalawigan sa isang tahanan na kinakailangang sumunod sa ipinatutupad na alituntunin sa loob ng tahanan ang sinumang papasok dito, lalo pa’t kung itoyu patungkol sa kapakanan ng kinabukasan ng mga naninirahan dito.
Basahin ang privilege speech ni BM Quiñonez.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit