ANG MAGKABILANG ARGUMENTO AT IBA PA. NG GABRIEL CERENO VERSUS AGNES DIEZMO ANG ADMIN CASE!

Pinag-aaralan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ang argumento ng magkabilang panig sa kasong Administratibong isinampa ni Gabriel Cereno laban kay Mayor Agnez Diezmo-Ang ng bayan ng Vinzons.

Sa araw ng Miyerkoles, Pebrero a-19, inaasahang maghaharap ang magkabilang panig sa sesyon ng SP para pakinggan ang argumento ng mga ito at para tukuyin kung may probable cause ang nasabing reklamo. Bagamat, pawang hawak na ng bawat miyembro ng kometiba ng Justice and Good Government na pinamumunuan ni Board Member Michael Canlas ang kopya ng reklamo ni Ginoong Cereno at ang kasagutan naman ni Mayor Agnes Ang.

Ayun kay Board Member Canlas, tatangkain muna ng kometiba na magkaroon na lamang ng amicable settlement kung saan pwede magkasundo ang magkabilang panig upang hindi na tuluyang umusad ang pagdinig.

Subalit sakali anyang hindi sila magtagumpay sa amicable settlement, itutuloy na ng konseho ang pagtukoy kung meron itong sapat na batayan para iakyat na sa pormal na pagdinig ang nasabing kaso.

NATURE OF THE CASE:

Ang kaso ay isinampa ni Ginoong Gabriel Cereno, isang negosyante at nagmamay-ari ng isang sabungan sa bayan ng Vinzons. Ito ay naitala bilang Administrative Case No. 2013-001 para sa kasong Gross Negligence, Inefficiency and Incompetence laban kay Mayor Agnes Diezmo-Ang ng bayan ng Vinzons.

Ito ay may kaugnayan sa pagpapasara ni Mayor Ang sa sabungan na inooperate ni Cereno at ang pag iisyu nito ng Mayor’s Permit sa isang indibidwal at ilan pang anila’y mga paglabag ng alkalde sa ilang mga panuntunan ng batas.

Inirereklamo ni Cereno ang naturang pagpapasara ng kanyang negosyo at ang pagbibigay ng umano’y Mayor’s Permit sa isang Joel M. Remigio na halos magkasabay silang nabigyan ng permit noong Enero ng 2013. Isang araw lang anya ang pagitan nila at nauna ng isang araw si Remigio na nabigyan ng Mayor’s Permit noong Enero a-30, 2013 samantalang sya ay kinabukasan na, Enero a-31 naisyuhan ng nasabing dokumento gayung mas nauna pa syang nag file ng mga requirements kumpara kay Remigio. Malakas ang paniniwala ng nagrereklamo na “dinuktor” ang petsa ng pag issue nito.

Kinuwestyon din ni Cereno ang pagiisyu ng alkalde ng dalawang Mayor’s Permit para sa sabungan gayung mahigpit itong ipinagbabawal ng Presidential Decree No. 449 sec 5 (b) na nagsasabing isa lamang ang maaaring pahintulutang pagtatayo o pag ooperate ng sabungan kung hindi pa lalagpas ng isang daang libong (100,000) populasyon sa isang Munisipalidad o/at Syudad sa Bansa.

Inilatag ni Cereno bilang supporting documents ang kopya ng anyay nagmula sa National Statistics Office na nagsasabing umaabot pa lamang sa humigit kumulang 43,198 ang kabuuang populasyon ng bayan ng Vinzons sa taong 2013. Malinaw anya ang paglabag dito ng naturang alkalde.

Sa kanyang reklamo, hiniling ni Cereno sa Sangguniang Panlalawigan na matanggal sa pwesto bilang alkalde si Ang bunsod ng aniyay mga naging paglabag nito sa mga umiiral na batas.

MAYOR AGNES ANG’s ANSWER TO THE COMPLAINT

Walang batayan, malisyoso at pawang mga espekulasyon lamang ang mga laman ng reklamo ni Ginoong Gabriel Cereno laban sa kanya. Ito ang nilalaman naman ng kasagutan ni Mayor Agnes Diezmo-Ang kaugnay ng kasong administratibo na isinampa sa kanya ni Ginoong Cereno sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa Sagot ni Ang, inisa-isa nito ang bawat bahagi ng reklamo laban sa kanya. Una nitong kinuwestyon ang veracity o pagkamakatotohanan ng mga dokumentong inilatag ng nagrereklamo. Isa na rito ang dokumentong galing sa NSO National Statistics Office na nagsasabing wala pa sa isang daang libo ang residente ng bayan ng Vinzons. Wala naman anyang anumang magpapatunay na totoo at accurate ang mga detalyeng nakasulat dito.

Maging ang bintang na back-dating ng petsa ng pag iissue ng Mayor’s Permit ay pawang pansariling espekulasyon lamang at wala ring batayan. Marami anya ang dinaanan pang personahe sa munisipyo bago tuluyang nakakarating sa lamesa ng alkalde ang katulad nitong permit.

Ang pag lagda umano ni Mayor Ang sa Mayor’s Permit ay nakapaloob ang malinaw na kundisyon na kinakailangang ma-comply ng kliyente ang lahat ng mga kondisyones, requirements at regulasyon para magkaroon ito ng bisa.

Hindi umano na comply ni Cereno ang ilang mga requirments kasama na dito ang mula sa Sangguniang Bayan ng Vinzons na bahagi ng isinasaad ng ordinansa hinggil sa operasyon ng nasabing negosyo.

Hiling ng kampo ni Ang na maibasura na ang kaso dahilan sa “hilaw” ang mga dokumento at argumento ng nagrereklamo. Wala rin umanong personalidad si Ginoong Gabriel Cereno dahil hindi naman ito ang orihinal na grantee at totoong nabigyan noon ng lisensya kundi ang kanyang ama. Binibigyan diin umano ng Korte Suprema na ang lisensya, permit o authority granted to operate ng isang gambling business ay isa “lamang” pribilehiyo at hindi absolute right. At dahil ito’y isang prebilehiyo lamang, ito ay personal at non-transferable in nature gayung ito ay inisyu base sa kapasidad, kwalipikasyon, karakter at representasyon ng orihinal na aplikante.

Ang pinakahuli at sinasabing pinakamatibay na argumento ng kampo ni Mayor Ang, ay ang “Applicability ng Condonation Principle”. Dito isinasaad umano ng batas na mapapawalang sala sa kaso ang sinumang re-elected public officials na nahaharap sa kasong administratibo kung ang orihinal na kaso ay naganap bago ang kanyang re-election.

Ilang Jurisprudence din ang inilatag ng kampo ni Ang ang may kaugnayan sa mga kahalintulad na kaso na napagdesisyunan na ng Korte Suprema na nagbabasura sa kasong administratibo laban sa ilang re-elected public officials. Ang muling pagkakahalal umano sa isang opisyal ay maituturing na “condonation of the officer’s previous misconduct”.

Kasama dito ang ROMEO . SALALIMA et. al. -vs- HON. TIOFISTO T. GUINGONA Jr. et. al.  noong Mayo 1996. Gayundin ang GARCIA –vs- MOJICA ng September 1999.

Sa harap nito, malakas ang paniniwala ng kampo ni Mayor Agnes Ang na maibabasura ang kasong administratibong isinampa laban sa kanya na  itinuturing niyang malaking abala sa kanyang pagseserbisyo sa kanyang mga kababayan sa bayan ng Vinzons.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

CNNews,

Managing Editor

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *