Muling humarap sa Sangguniang Bayan ng Daet ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways sa regular na sesyon ng naturang konseho kaninang umaga. (Feb. 17, 2014)
Ito ay para sagutin ang ilang mga katanungan ng mga miyembro ng SB Daet na matagal na ring nag iimbita sa nasabing National Gov’t Agency na dumalo sa kanilang sesyon hinggil pa rin sa kontrobersyal na tulay.
Dumalo bilang kinatawan ng DPWH Camarines Norte sina Engr. Vic Corporal na tumatayong Assistant District Engr, kasama sina Engrs. Jalimao, Ibita at Aller.
Pilit na inaalam ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Daet kung kailan talaga matatapos ang proyekto, at katulad din ng inaasahan, muling inulit ng mga kinatawan ng DPWH na tinitiyak nila na matatapos ito bago sumapit ang kapiyestahan ng bayan ng Daet sa June 24, 2014.
Ipinaliwanag ni Engr. Corporal na madaming kadahilanan kung bakit nabalam ang nasabing patrabaho. Kasama na dito ang resulta ng kanilang “Soil Test” na kung saan natuklasan na malambot na ang lupa na kinatitirikan ng Pilote o Poste para sa nasabing tulay.
Sa dating lalim na (16) labing anim na talampakan, ginawa umano nila itong labing pito (17) dahilan na rin sa pag lambot ng lupa. Maging ang mismong soil text umano ay nag konsumo din ng matagal tagal na panahon bago nalaman ang resulta.
Sinabi ng mga ito na ang dating matigas na ilalim ng tulay na yari sa adobe ay nagkanda-wala na umano kung kayat ito ang naging dahilan ng pag lambot ng lupa.
Tinukoy din nito ang mga linya ng Camarines Norte Water District CNWD at Camarines Norte Electric Cooperative CANORECO na hindi naman agarang naililipat ang mga linya.
Sa patuloy na pagtatanong mga miyembro ng SB Daet, lumalabas na ang pondo na nabalam ang sya pa ring pinaka pangunahing dahilan ng pagkabalam nito.
Umaabot sa 5M piso ang halaga ng paunang pondo para dito, samantalang ngayong taon anila ay tiyak na ang pag papalabas ng karagdagang pondo para matapos ito sa itinakda nilang panahon na nagkakahalaga ng labing siyam (19M) piso sa kabuuan.
Nakatakda na rin sa Marso a-3 ang bidding para sa 2nd phase ng naturang proyekto.
Samantala patuloy naman ang pag sasaayos ng DPWH ng mga alternatibong dadaanan ng mga motoristsa sa bahagi ng Cobangbang Road at J. Lukban Extention. Sa ngayon ay labis naman na ikinatuwa ng mga motorist ang pagkilos ng DPWH na bahagyang naibsan ang kalbaryo ng kanilang biyahe sa nasabing mga lansangan.
Narito ang mga larawan ng bagong isaayos na mga kalsada ng Cobangbang Road at J. Lukban Ext road
Naguulat,
Ricky Pera/Donde Consuelo
CNNews Correspondents