ENERGIZATION NG 5KVA SUBSTATION SA MALATAP AT REHABILITATION NG DISTRIBUTION LINES, PRIORITY PROGRAMS NG CANORECO SA 2014, AYUN KAY OIC GM EFREN BELGADO

Personal nang inasikaso ni OIC General Manager Efren Belgado ang paghingi ng permit sa Punong Tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources  (DENR), para sa right of way ng 69KV line mula sa Barangay Talobatib hanggang Malatap, Labo Camarines Norte para sa 5KVA Sub Station ng CANORECO na magsusupply ng kuryente sa mga Bayan ng Sta.Elena at ilang porsyon ng Labo.

Bahagi ito ng 122 milyong pisong proyekto ng nasabing kooperatiba mula sa CAPEX na kontrata naman ng ASIAPHIL.

Una nang na-energize ng CANORECO ang Sta. Rosa, Jose Panganiban na bahagi pa rin ng naturang proyekto.

Patuloy na naaantala ang 5KVA sub-station dahilan na rin sa pagkabalam ng permiso mula sa DENR, partikular ang pagpapahintulot ng nasabing ahensya sa clearing ng dadaanan ng naturang proyekto na umaabot sa humigit kumulang labing-anim na kilometrong linya.

Nabatid na sa Regional Office ng DENR unang nag secure ng permit ang CANORECO  subalit napag-alaman na ang Punong Tanggapan lamang ng naturang ahensya ang syang may karapatang magbigay ng kapahintulutan para sa naturang clearing o pagpuputol ng ilang punongkahoy sa mga dadaanan ng linya.

Nitong nakatalikod na linggo, mismong si OIC GM Belgado na umano ang personal na nagtungo sa DENR National Office para sa mabilisang pagpapaapruba ng naturang permiso para na rin tuluyan nang matapos ang nasabing proyekto na nababalam na sa loob ng halos mag-iisang taon na.

Ito na lamang umano ang hinihintay ng kooperatiba para sa tuluyang pagsasaayos nito na pakikinabangan naman ng nabanggit na mga bayan.

Ang tuluyang pagsasaayos nito ay magbibigay ng solusyon sa matagal na ring panahon na problema ng mga miyembro-konsumedores na namomroblema sa madalas na pagba-brownout sa naturang mga lugar.

Nag uulat, 

Ricky Pera

CNNews Corespondent 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *