BAYAN NG DAET, NANANATILI NA MAY PINAKAMATAAS NA SA BUSINESS TAX COLLECTION SA BUONG REHIYONG BICOL!

Nananatili ang bayan ng Daet sa may pinakamalaking tax collection sa buong rehiyong bicol. Ito ay sa harap na rin ng patuloy na paglobo ng mga investments sa lalawigan sa nakalipas na tatlong taon.

Sa darating na Huwebes, Pebrero 27, magbubukas na ang SM Hypermart na nagdala ng iba’t ibang mamumuhunan sa loob ng nasabing bagong extablishimento. Mula sa ibat ibang produkto, food chain at maging bangko bilang mga tenants. Ito’y maliban pa sa pag bubukas ng bagong branch ng NOVO, pagpasok ng LCC at maging ang isa pang Branch ng Jolibee, dalawang 7/11 at ang mag bubukas na MC Donalds.

Dito, inaasahan na magpapatuloy sa posisyon bilang top notcher ang bayan ng Daet sa buong rehiyon. Sa harap nito, patuloy pa din ang pagsusumikap ng tanggapan ni Municipal Treasurer Elmer Nagera na mas lalo pa din mapalakas ang mga presenteng namumuhunan at negosyo sa naturang bayan.

Magugunitang nitong mga nakatalikod na taon, partikular ng 2011, tumanggap na ng Award ang bayan ng Daet kaugnay ng nasabing malakas na tax collection, matapos nga na maitala na bilang Top 1 ang bayan ng Daet sa may pinakamalaking tax collection sa buong Rehiyong Bicol  sa nakalipas na mga taon.

Ito ay kaugnay sa paglobo ng bilang ng mga bagong business application sa mga bayan ng rehiyon at ang pagpapatupad ng Business Permits and Licensing System (BPLS) Project na isinusulong ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa iniulat ni DILG Acting Regional Director Elouisa Pastor na sa kanilang mga nakaraang pagpupulong ng Development Administration Committee (DAC) ng Regional Development Council na ginanap sa National Economic Development Authority (NEDA) sa Rehiyong Bicol, nabatid na umaabot sa 67 Milyong Piso o 22% ang itinaas ng nakolektang buwis mula sa 2,864 na establisyimento na kumakatawan sa 15% na pagtaas sa Business Application bunga ng implementasyon ng BPLS ang naitala sa rehiyon sa pagsisimula pa lamang ng naturang programa.

Tinukoy ni Pastor na mula sa total revenue na umaabot sa P301,033,946.32  noong taong 2010, umakyat ito ng hanggang P368,729,435.41 ng 2011. Umakyat din umano ang bilang ng mga nagrehistro mula sa 19,066 tungo sa 21,930 sa nasabi ding panahon.

Humataw ng husto ang Bayan ng Daet, Camarines Norte na may pinakamalaking umakyat na buwis na may 82%, na sinundan ng Pili, Camarines Sur, 45% at pumangatlo ang Bayan ng Guinobatan sa lalawigan ng Albay. “Biggest gainer is Daet with 82 percent increase followed by Pili with 45 percent increase and Guinobatan with 28 percent increase in business tax collection,” ayun kay Pastor.

Umabot sa P16,618,253.83 ang kabuuang business tax collection ang naitala ng Bayan ng Daet sa taong 2011 mula sa P9,143,046.51 ng 2010 samantalang ang Pili nakakolekta ng P9,105,651.00 sa 2011 mula sa P6,293,863.00 ng 2010. Samantalang ang Guinobatan ay nakakalap ng P3,659,463.44 sa 2011 kumpara sa mas mababang koleksyon ng 2010.

Lahat ng Pamahalaang Lokal sa buong Rehiyong Bicol ay sakop ng BPLS Program ayon pa kay Pastor.

Ang programang BPLS ay pinasimulan ng DILG sa labinlimang LGUs sa bansa noong taong 2010 hanggang sa umakyat ng limampung LGU sa pag pasok ng 2011. Ito’y tugon sa hamon ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang State of the Nation Address ng naunang taon ng panunungkulan. “While we look for more ways to streamline our processes to make business start-ups easier, I hope the LGUs can also find ways to implement reforms that will be consistent with the ones we have already started.” Ayon sa pangulo.

Itinuturing naman ni Mayor Tito Sarion na isang tagumpay ito ng masidhing pagkilos ng pamahalaang lokal ng Daet partikular ng Municipal Treasurer’s Office na pinamumunuan naman ni Treasurer Elmer Nagera.

Sa harap nito, patuloy pa rin ang panawagan ni Sarion sa mga mamumuhunan sa bayan ng Daet na patuloy na makipagtulungan sa pamahalaang lokal sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis. Tuloy tuloy din anya ang kanyang pag imbita sa mga mamumuhunan sa bayan ng Daet para mas makatulong sa buwis at karagdagang trabaho, hindi lamang sa mga Daeteño kundi sa mamamayan ng lalawigan.

Ayun pa rin naman ni Municipal Treasurer Nagera na magpapatuloy din sila sa pagpapalakas ng pagkolekta ng tamang buwis sa nasasakupan ng bayan ng Daet para na rin makatulong na mas lalo pang mapalaki ang pananalapi ng pamahalaang lokal na syang nagsisilbing gatong sa pagsusulong ng mga programa ng LGU Daet para sa mga mamamayan nito.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

CNNews Managing Editor

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *