Kalunos lunos ang sinapit ng mag-asawang negosyante sa Brgy Calabagas sa Bayan ng San Vicente kagabi (Feb. 24, 2014) matapos ang mga itong pagtatagain at saksakin bago sinunog pati ang kanilang bahay sa loob ng Poultry Farm ng mga ito sa naturang Barangay.
Kinilala ang mga biktima na sina Romeo Liwag Y Caranceja 59 taong gulang at ang kanyang asawa na si Raquel Liwag Y Almadrones 57 taong gulang, pawang mga residente naman ng Brgy Sto Domingo Bayan ng Vinzons.
Ayun sa ulat ng pulisya, base sa paunang imbestigasyon, alas 7, kagabi ng matuklasan ni Jose Angelo Liwag, anak ng mga biktima, na nasusunog ang naturang Farm house habang nakitang walang buhay isang daang metro mula sa nasunog na farm ang biktimang si Romeo. Kasama naman sa nasunog ang asawa nitong si Raquel na naiwan sa loob ng bahay.
Pinaniniwala ng pulisya, pinatay muna sa saksak at taga ang mag asawa bago sinunog, samantalang nagawa pang makalabas ng lalaking biktima subalit nalagutan na rin ng hininga.
Pinaniniwalaang ang dalawang katiwala o stay-in helper ang responsible sa krimen matapos ang kahina-hinalang pagkawala ang mga ito matapos ang krimen. Kinilala ang mga itong sina Romnick Iglesia Y Pefanio 25, ng Purok 2, Brgy Cabrahan, Jovellar, lalawigan ng Albay at isang Jonel Dasing, 24 anyos ng bayan ng Gua Camarines Sur.
Makikita sa farm ang isang bote ng alak at tsinelas pati ang dalawang itak at matalim na tubo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Ilang hindi nagpakilalang witness umano ang nakakita sa mga suspek habang tumatakas patungo sa bahagi ng sito Mat-e sa bayan ng Vinzons. Nakita pa mismo ng mga miyembro ng SOCO ang cellphone ng biktimang si Raquell sa may bahagi na ng sito Mat-e, Vinzons.
Ang nasabing poultry farm ay malapit lamang sa boundery ng Brgy Calabagas San Vicente at Sitito Mat-e, Brgy Sto Domingo, Vinzons, Camarines Norte, isang kilometro mula sa highway.
Sinasabing ang CCTV ang dahilan kung bakit tuluyang sinunog ng mga suspek ang buong kabahayan.
Ang mga biktima ay kilalang negosyante sa naturang lugar na may malawak na lupain, nag mamay-ari ng isang poultry farm at namimili din ng mga produktong niyog.
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya para sa agarang pagkakahuli sa mga suspek.
Nag uulat,
Ricky Pera
CNNews Correspondent