Hiniling sa pamamagitan ng resolusyon sa Sangguniang Bayan ng Daet ang pagpapatiligil pansamantala ng pag iisyu ng mga prangkisa sa mga Public Utility Vehicles sa mga biyaheng Naga-Daet Vice-versa.
Isinulong ito kaninang umaga sa SB Regular Session (Feb. 24, 2014) ni Konsehal Rosa Mia King, Chairman ng Committee on Public Utility ng naturang konseho bilang tugon sa kahilingan ng mga transport group na bumibiyahe din sa naturang ruta.
Reklamo ng apat na transport group kabilang na ang isang Bus company ang patuloy na pag baba ng kanilang kinikita at pagbawas ng bilang ng kanilang mga biyahe dahilan na rin sa sangkatutak na prangkisa na naipalabas ng LTFRB para sa biyaheng Naga-Daet.
Agad naman itong naaprubahan na sinangayunan din ng pangkalahatan ng Sangguniang Bayan.
Sa deliberasyon, bago ang approval, hiniling naman ni Konsehal Sherwin Asis na maipatawag din ang mga operators ng nasabing mga public utility vehicles may kaugnayan naman sa mga reklamo ng mga pasahero sa nasabing mga pampublikong sasakyan.
Partikular na tinukoy ni konsehal Asis ang overloading ng mga pasahero lalo na sa mga Van na halos hindi na makahinga ang mga pasahero sa dami ng mga sakay nito.
Sinangayunan naman ito ni konsehal King na maaari din naman ipatawag ang mga ito subalit kinakailangan ding alam ng mga pasahero ang kanilang karapatan, partikular ang pag tukoy kung ilang pasahero lamang ang maaaring isakay sa loob ng isang Van. Makikita umano ito sa gilid ng sasakyan at kung sakaling sobra na dito ang pasasakayin ng driver ay maaari naman itong ireklamo s LTFRB.
Samantala, umaasa naman si King na mapagbibigyan ng LTFRB ang kanilang kahilingan para na rin sa katugunan sa reklamo at kahilingan ng nasabing mga PUV operators.
Limang taon ang imposition of moratorium na hiling ng SB sa LTFRB na inaasahang maipatutupad sa lalong madaling panahon.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit
CNNews
Managing Editor