Namahagi ng mga libro para sa disaster preparedness ang pamahalaang lokal ng Daet sa pangunguna ni Mayor Tito Sarion at ng ni konsehal Joan Kristine Tabernilla-De Luna, bilang Chairman ng Disaster Preparedness Committee ng Sangguniang Bayan ng Daet sa mga Elementary School sa naturang munisipalidad.
Bahagi ito ng programa ng Pamahalaang Sarion para sa disaster preparedness na mapalawak ang kaalaman sa ibat ibang sector ng lipunan. Katuwang ng Pamahalaang Lokal ng Daet ang mga paaralan kung kayat naglaan ng nasabing mga Educational Materials ang alkalde sa pamamagitan ng kometiba ni Tabernilla-De Luna.
Nitong nakaraang lunes, Pebrero 24, 2014, dumalo ang mga Punong Guro ng mga paaralang elementarya para tanggapin ang naturang mga libro kasunod ang pakikipagpulong kay Sarion hinggil pa rin sa mga programang pang-edukasyon ng LGU-Daet.
Ang nasabing mga aklat ang magiging gabay ng mga guro para sa pagbibigay ng tamang edukasyon hinggil sa paghahanda sa mga sakuna sakaling dumating.
Sa mensahe ng alkalde, inihayag nito na malaki ang kanyang pagpapahalaga sa edukasyon dahilan sa dito nagsisimula ang malaking pagbabago ng isang komunidad.
Nito lamang nakatalikod na linggo, inilunsad ang “Sine Panitik” katuwang pa rin ang nasabing mga Punong Guro at ang napiling pagdadausan ay ang Zurbano Elementary School kung saan gaganapin ang shooting.
Sa mga susunod ding araw, inaasahang darating sa Bayan ng Daet si DepEd Secretary Bro. Armin Luistro na magiging bahagi ng mga programa ng pamahalaang lokal hinggil sa edukasyon.
Patuloy pa din ang pag-aaral ni Sarion sa kung ano pang mga proyekto at programa na maaari nyang maibahagi sa edukasyon para matiyak na magiging matatag ang kinabukasan ng Bayan ng Daet.
Si Sarion ay nagsimula bilang lingkod bayan simula sa pagiging lider ng kabataan kung kayat malaki ang paniniwala nito na nasa kabataan pa rin nakasalalay ang pagpapatuloy ng ikagaganda at mas lalo pang ikauunlad ng bayang ito.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit
Bay Radio/CNNews