Nais matukoy ni Provincial Board Member Bong Quibral ang mga lehitimong magsasaka sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ay sa layuning matiyak na mapupunta sa tunay na mga magsasaka ang mga tulong ng pamahalaan na ibinibigay sa sector ng agrikultura.
Sa panayam ng CNNews, sinabi ni Quibral na kanila umanong napag alaman na ilan sa mga nagiging benipisyaryo ng mga tulong mula sa gobyerno ay hindi naman lehitimong magsasaka. Ilan anya sa mga naibibigay na mga kagamitan o anumang tulong ay ibinibenta lamang umano at pinagkakakitaan ng mga hindi naman lehitimong magsasaka.
Mainam anya na may sariling talaan ang pamahalaang panlalawigan ng mismong mga pangalan nito para makatiyak na talagang mapakikinabangan sa pagsasaka ang ibibigay ng pamahalaan.
Nakatakda pang magpatawag ng talakayan at pakikipag ugnayan si Board Member Quibral kasama ang office of the Provincial Agriculturist, dating Deptpartment of Agriculture Regional Director Augustin “Acot” Mago at si Board Member Romeo Marmol bilang chairman ng Agriculture Committee ng Sangguniang Panlalawigan sa mga magsasaka upang makapag organisa ng isang samahan na kikilalanin ng pamahalaang panlalawigan at makapag talakay din kung ano ang kanilang mga pangangailangan na maaaring maipagkaloob ng pamahalaan at gayundin ang mga usapin sa kung papano pa palalakasin ang agrikultura sa Camarines Norte.
Naniniwala din si Bokal Quibral na dapat na maimulat din sa agrikultura ang mga kabataan at mga estudyante ngayon dahilan sa wala nang matitirang magsasaka pag dating ng panahon bunsod ng kawalan ng interes ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan.
Mali din anya ang nosyon ng mga magulang sa ngayon na kung kayat pinag aaral ng husto ang kanilang mga anak para lamang hindi mag bungkal ng lupa. Nangangamba si Quibral na kung sakaling magpapatuloy ito, wala nang magbubungkal ng lupa at tuluyan na lamang aasa ang bansa sa pag angkat ng mga produktong agrikultura mula sa ibang bansa.
Sinabi pa ng naturang bokal na nasa lupa pa rin ang tunay na kayamanan at kinakailangan lamang na mapag aralan ito ng husto kung papano gagamitin at pakikinabangan ng mga mamamayan bilang kanilang kabuhayan at posibleng ikaunlad ng buhay.
Nag uulat,
Rodel Mcaro LlovitBay Radio/CNNews