WALA NANG HUSTISYA SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN PARA SA AKIN! – MAYOR AGNES ANG

“Wala ng hustisya para sa akin sa Sangguniang Panlalawigan!” ito ang madamdamin at punong-puno  ng sama ng loob na pahayag ni Vinzons Mayor Agnes Diezmo-Ang matapos ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan kahapon sa kanilang Special Session na 2-months Preventive Suspension hinggil sa kasong administratibong isinampa laban sa Alkalde ni Ginoong Gabriel Cereno sa naturang kapulungan.

Pulitika ang nakikitang dahilan ni Mayor Agnes Ang sa naging resulta ng botohan para sa kanyang suspensyon.

Muling idinin ni Diezmo-Ang ang ilang jurisprudence kaugnay sa condonation kung kayat labis ang sama ng loob nito sa naging  desisyon laban sa kanya.

Tinukoy pa ni Mayor Ang si PCL President Jay Ang na bilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons, alam umano nito na walang umiiral na ordinansa para makapa- operate ng sabungan sa bayan ng Vinzons subalit nauna pa itong nagtaas ng kamay para sa kanyang suspensyon. Maging si Bokal Pamela Pardo ay pinasaringan din ng alkalde na katulad din umano ni Konsehal Jay Pimentel na wala sa araw ng Preliminary Investigation ng kometiba subalit nauna pang bomoto ang dalawa na napakataas  umano ng kamay.

“Nakakapagod nang magpulitiko sa Vinzons!” pahayag pa ng alkalde, ito ay sa matinding pulitika sa naturang bayan na anyay tila ayaw na syang bigyan ng katahimikan sa panunungkulan bunsod ng mga kaso laban sa kanya. Wala na rin anya syang nakikitang hustisya sa Camarines Norte para sa kanya.

Labis ang pagtataka ni Mayor Agnes na sa kabila anya ng pag-amin ng complainant na wala syang hawak na ordinansa ay sinuspinde pa rin sya.

Wala nang planong magsumite pa ng Motion for Reconsideration sa SP si Mayor Agnes dahil sarado na anya ang mga mata at tenga ng nakararaming miyembro nito, subalit nakatakda silang mag-apela sa ibang avenue na hindi na rin nito binanggit kung saan.

Sa huli, sinabi ni Ang na nakatakda syang sumunod kung kinakailangang bumaba sya sa pwesto subalit tiniyak nito na hindi dito magtatapos ang kanyang laban para sa kanyang hustiya at sa bayan ng Vinzons na nagluklok sa kanya sa pwesto.

Nag uulat,

Ricky Pera

CNNews Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *