GOVERNOR TALLADO, NANINDIGAN NA HUWAG PATIGILIN ANG MGA SMALL SCALE MINER SA CAMARINES NORTE!

Hindi dapat na agarang patigilin ang mga maliliit na magmimina sa lalawigan ng Camarines Norte. Ito ang mariing pahayag ni Governor Edgardo Tallado sa harap ng pagkilos ng Mines and Geosciences Bureau na tuluyan na itong ipatigil sa mga bayan ng Paracale, Jose Panganiban at Labo.

Kaninang umaga, Marso 1, 2014, kasama si CNPPO Provincial Director Moises C. Pagaduan kinausap ni Governor Tallado ang mga magkakabod (small scale miners), Konsehal ng Bayan at ilang Barangay Officials sa mga bayan ng Jose Panganiban at Paracale upang ipaliwanag ang tunay na sitwasyon sa harap ng kaguluhan sa ngayon sa usapin ng pagmimina sa lalawigan.

Tinukoy ng gobernador ang sulat ni 1st District Representative Catherine Barcelona-Reyes sa Department of Justice (DOJ) ang dahilan kung kayat maging ang mga maliliit na magmimina ay naapektuhan.

Ang nilalaman umano ng sulat ng naturang kinatawan na tumutukoy sa mga “illegal mining operations” ang nagbunsod ng pagpapatigil ng operasyon ng mga small scale mining dahilan sa malinaw naman anyang illegal din ang small scale mining ayun sa batas.

Ipinagtataka din ni Tallado ang pagkakakuha ng mga pangalan, address at pati ng lugar ng pinagmiminahan ng mga small scale miners ng MGB na nakalagay sa sulat sa pagpapatigil sa mga ito. Malinaw anya na may mga taong nagbigay ng mga detalyeng ito na posibleng galing sa kampo umano ng kongresista.

Itinaya ni Gobernador Tallado ang kanyang sarili para salagin ang kautusan ng MGB dahilan sa hindi nya anya maaatim na mawalan ng pagkakakitaan ang malilit na magmimina sa nasabing mga bayan.

Nakahanda anya syang makulong kung kinakailangan para lamang maipagtanggol ang mga maliliit na minero na noon pa man, mula pa sa mga ninuno ng mga ito ay pagmimina na ang kabuhayan.

Sakali anyang tumigil ang paghahanapbuhay ng mga minero ay malalagay sa peligro ang peace and order ng lalawigan. Magbubunga anya ito ng nakawan at hanggang mauwi sa patayan maitawid lang sa gutom ang pamilya.

Samantala, una na ring sinabi ni Congresswoman Catherine Barcelona-Reyes sa kanyang pulong balitaan na maglalaan sya ng pitong milyong pisong (Php7M) pondo para sa kabuhayan ng mga apektadong magmimina na padadaanin naman sa TESDA at Department of Labor and Employment (DOLE). Bagay na kinontra din ng Gobernador sa kadahilanang hindi ito magkakasya sa libo-libong magmimina sa Camarines Norte.

Sa harap nito ay muling binigyan-diin ni Tallado na pabor pa rin sya sa pagsasalegal ng industriya ng pagmimina sa lalawigan. Bagamat hindi ito magagawa sa madaling paraan, kung kayat sinabi nito na habang wala pang malinaw na kapalit o legal na pagmimina sa pamamagitan ng minahang bayan, hindi anya dapat na tumugil sa pagkakabod ang mga minero.

Isa anya sa kanyang prayoridad ngayon ang pagpapatupad ng minahang bayan na patatakbuhin naman ng kooperatiba. Nanawagan ito sa mga minero na may kapahintulutan ang may-ari ng lupang minimina at may kapahintulutan sa may-ari ng claim ang kanilang lupang minimina na agaran nang asikasuhin ang pagpoproseso para maideklara nang “minahang bayan”.

Sa pagkakataong ito, dito na magsisimulang maging legal ang paghahanapbuhay sa naturang industriya at hindi na kinakailangan pang patigilin o hingian ng kung sinu-sinong personahe.

Sa huli, sinabi pa ni Tallado na marangal ang paghahanapbuhay sa pagmimina at hindi ito dapat na maapektuhan ng maagang pulitika sa lalawigan.

Sa halip umano na ito ay gipitin, mas dapat pa itong tulungan para sa ikauunlad ng kanilang kabuhayan sa isang legal na pamamaraan.

Ulat nina,

Donde Consuelo at Ricky Pera

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *