Upang matugunan ang kakulangan sa pagsasanay para makapasok sa call center industry ay sinimulan na kahapon ng Pamahalaang Panlalawigan dito ang libreng call center training para sa mga napiling aplikante.
Sinabi ni Mariano Palma, hepe ng Provincial Youth Affairs Office na siyang nangangasiwa ng nabanggit na pagsasanay, ang programa ay ibinibigay ni Governor Egay Tallado sa mga mamamayan ng lalawigan na gustong mag trabaho sa business process outsourcing (BPO) o call center, bunsod na rin sa isa ito sa mga in-demand na trabaho ngayong panahon partikular na sa mga kabataan.
Hindi naman nito ikinaila na karamihan sa mga ito ay kailangang pang hasain upang makapasok sa nabanggit na industriya.
”Marami ang gustong mag-apply (call center) pero pagdating sa sa interview at screening ay hindi matanggap dahil sa kakulangan (ng skills),” sabi ni Palma, “Kaya nag desisyon kami (PGCN) na mag taguyod ng libreng pagsasanay para sa kanila.”
Sa kasalukuyan ay mayroong 53 trainees para sa buwan ng Marso na siyang bumubuo sa unang grupo ng mga magsasanay. Susundan ito ng pangalawang grupo sa buwan ng Abril. Ang mga interesado na maging bahagi ng libreng call center training ay maaaring makipag ugnayan sa Provincial Youth Affairs Office na matatagpuan sa Provincial Capitol compound.
Ito ay isinunod sa yapak ng libreng review ng mga kukuha ng eksaminasyon para sa Civil Service Eligibility na sinimulan noong Pebrero na isa rin sa inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nag uulat,
Norjz Abarca
RNB CN