SUSPENSION ORDER PARA KAY MAYOR AGNES ANG NG VINZONS, INIHAIN NA! MAYOR AGNES, HINDI PA PERSONAL NA NATATANGGAP ANG SUSPENSYON! VICE MAYOR HERRERA, UUPO NA BILANG OIC!

Hindi tinanggap ng mga mga empleyado sa Mayor’s Office ng bayan ng Vinzons ang Preventive Suspension order para kay Mayor Agnes Diezmo-Ang .

Kahapon, Marso 3, 2014 alas 4:20 nang dalhin ng staff ni Governor Edgardo Tallado ang naturang kautusan sa tanggapan ni Ang subalit tumanggi ang mga kawani nito partikular ang mismong Executive Secretary na si Ginoong Bernardo Diezmo na tanggapin ito.

Kalakip ng nasabing suspensyon ay ng kopya ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nag rerekomenda sa Gobernador na patawan ng suspensyon ang alkalde ng Vinzons kaugnay ng kasong administratibong kinakaharap nito sa Sangguniang Panlalawigan may kaugnayan sa pag iisyu ng respondent ng dalawang permit ng sabungan. (See related news)

Sa panayam ni SM Jigz Buñag ng Bay Radio kay Executive Secretary Diezmo, may tagubilin umano sa kanila ang alkalde na huwag tumanggap ng anumang kalatas lalo pa’t kung ito ay personal na naka address sa mismong Alkalde. Tanging si Mayor Agnes Ang lang anya ang maaaring tumanggap nito ng kahalintulad na mga kalatas. Sinabi din ng Executive Secretary na sa kanyang huling impormasyon ay nasa Lunsod ng Naga ang kanyang anak na alkalde.

Samantala, natanggap na rin naman ni Vice Mayor Radam Herrera ang kopya ng Suspension Order at hudyat na rin anya ito ng kanyang pag upo bilang pansamantalang kahalili ng alkalde sa panahon ng suspensyon ni Ang.

Ngayong umaga, nakatakda na ring magpadala ng mga sulat si Vice Mayor Herrera sa mga kinauukulang ahensya partikular sa Depository Bank ng bayan ng Vinzons, DILG, at ilan pang ahensya, gayundin sa lahat ng kawani ng naturang bayan. Ito ay para ipabatid na sya na ang dapat kilalanin bilang pansamantalang Punong Bayan ng Vinzons simula sa araw na ito ala una ng hapon (1PM) para hindi maparalisa ang mga transaksyon at serbisyo ng pamahalaang lokal.

Pumasok muna sa Kanyang tanggapan sa Sangguniang Bayan ngayong umaga si Herrera para pormal na ring itagubilin kay First Councilor Raul Elep ang pamumuno sa SB at bilang pansamantalang pangalawang Punong bayan.

Sa ngayon ay hati naman ang mga kawani ng pamahalaang lokal ng bayan ng Vinzons kaugnay sa kontrobersiyang kinapapalooban ng kanilang mga matataas na opisyal.

Aminado ang ilang mga kawani na sila ay nalilito kung sino kina Mayor Agnes Ang at Vice Mayor  Radam ang kanilang kikilalaning alkalde dahilan sa hindi pa naman anila natatanggap ni Mayor Ang ang naturang suspensyon.

Samantala sa opinion naman ni DILG Provincial Director Edwin Garcia na kinakailangan na ma-iform muna ang respondent bago tuluyang palitan ito ng kanyang kahalili. Gayunpaman, sakaling hindi na anya matukoy kung nasaan ang sususpindehin, maaari nang mag assume ang OIC. Sakali din anyang may pag alinlangan, maaari ding mag hintay na lamang ng hanggang tatlong araw bago awtomatiko nang mauupo ang pansamantalang papalit.

Karagdagang opinion pa ni Provincial Director Garcia na isa pa umanong opsyon na maaaring gawin ng mag se-serve ng kautusan ay iwanan ang sulat sa tanggapan ng alkalde at tsaka maaari nang mag assume ang kapalit.

Mga nagkalap ng balita,

Ricky Pera/Donde Consuelo

Bay Radio/CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *