SUBPEONA, INIHAIN NG NBI SA MGA MIYEMBRO NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN HINGGIL SA ISYU NG ILLEGAL MINING!

Natanggap na ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang Subpoena mula sa National Bureau of Investigation hinggil naman sa isyu ng illegal mining sa lalawigan ng Camarines Norte.

Kaninang umaga bago nagsimula ang Regular na Sesyon ng nasabing hunta, inihain ng kinatawan mula sa NBI ang imbitasyon mula kay Atty. Virgilio L. Mendez na nilagdaan naman ni Sixto O. Comia, Chief ng Office of Environmental Crime Division EnCD ng NBI, para makapagbigay linaw sa imbestigasyong kanilang isinasagawa hinggil sa diumanoy Illegal Small Scale Mining sa lalawigan.

Mismong sa sesyon binuksan at napag usapan ang naturang usapin para hindi umano mag isip ng kung anong bagay ang publiko hinggil sa naturang Subpoena.

Magkakahiwalay ang petsang itinakda sa mga miyembro ng SP sa kanilang pagtungo sa EnCD ng NBI sa Taft Ave. Manila.

Magkasabay sa Subpoena sina Bokal Erwin Lausin at Bokal Michael Canlas  na nakatakda sa Marso 12, 2014 samantalang iba naman ang nakatakdang araw para sa iba pang miyembro ng SP.

Pinapayagan din ng NBI ang sinuman sa mga opisyal na makapagdala ng kanilang sariling abogado kung nanaisin ng mga ito.

Samantala, nilinaw naman ni Vice Governor Jonah Pimentel sa panayam ng CNNews, na walang anumang kasong nakasampa laban sa kanila hinggil sa illegal mining. Layunin anya ng naturang Subpoena na makatulong sila sa pagbibigay ng linaw at impormasyon sa nasabing imbestigasyon.

Kanina din sa kanilang sesyon, inaprubahan ang isang resolusyon na humihiling sa NBI na mabago ang petsa ng pagpapatawag sa kanila mula sa mga nakatakdang araw tungo sa Marso 17, 2014 mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon. Ito’y dahilan na rin sa nakatakdang pagtitipon ng League of Provincial Board Members of the Philippines na kinakailangan ding madaluhan ng nasabing mga Bokal ng lalawigan.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *