MARKET DAY TUWING ARAW NG SABADO AT LINGGO SA CENTRAL TERMINAL COMPLEX!

Hinikayat ni Mayor Tito Sarion ang publiko para sa isasagawang Market Day tuwing araw ng Sabado at Linggo sa Central Terminal Complex, sa Brgy Camambugan Daet. Sa Sabado, Marso 8, 2014 magsisimula na ang nasabing bagong scheme.

Magtutungo sa Central Terminal Complex ang lahat ng mga wholesalers at mga ambulant vendors mula sa Felipe II St at Pineapple St sa pamilihang bayan ng Daet para doon na magbenta ng kanilang mga produkto. Maging ang mga magtitinda sa Tulay na Bato sa Basud ay inimbitahan din ni Mayor Sarion para magtinda ng kanilang mga produkto.

Sa sulat na ipinalabas ni Municipal Treasurer Elmer Nagera, ang tumatayong  Market Day Committee Chairman, nilinaw nitong walang balak ang pamahalaang lokal ng Daet na ilipat sa Camambugan ang Palengke ng Daet. Sinabi nitong ito ay tuwing araw lamang ng Sabado at Linggo para mabigyan naman ng pagkakataon ang mga mamimili sa mga karatig Brgy ng Camambugan na mapalapit sa kanila ang palengke kahit dalawang araw lamang sa loob ng isang linggo at para mabigyan daan na maging maayos ang daloy ng trapiko sa centro ng Daet tuwing weekends.

Sa naturan ding sulat, paulit-ulit na binigyan-diin ni Municipal Treasurer Nagera na HINDI ILILIPAT ANG PALENGKE bagkus ay tuwing araw lamang ng Sabado at Linggo mangyayari ang nasabing Market Day sa Daet CT Complex.

Tanging ang mga agricultural products lang naman anya ang maaaring itinda sa nasabing lugar at hindi na kasama ang mga grocery items.

Nag uulat,

Donde Consuelo CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.